BINALASA ni Pangulong Digong ang INQUIRER, ABS-CBN at ang Simbahang Katolika sa diumano’y pagiging biased ng mga ito sa mga ulat tungkol sa kanya.
(Ang INQUIRER ay sister newspaper ng Bandera).
Hindi ko masisisi ang pangulo sa kanyang batikos dahil may mga media entities nga na below the belt kung minsan sa pagtuligsa sa kanya.
Walang pangulo, mula kay Ferdinand Marcos noong di pa niya idineklara ang martial law ay tumanggap ng matitinding banat na gaya ng ginagawa ngayon ng media kay Mano Digong.
Hindi nga nabigyan ng honeymoon period ng media si Mano Digong na tradisyunal sa isang bagong pangulo. Sa honeymoon period, alalay lang ang banat sa bagong presidente.
Pero ganoon talaga ang media sa buong mundo dahil trabaho ng media ang maging tagapuna ng mga depekto sa gobyerno.
Kahit na sa mga bansa na diktadurya, bumabatikos din ang media sa gobyerno kapag binigyan ito ng pagkakataon at hanggang puwede.
Nakakalungkot ang pag-single out ni Pangulong Digong sa INQUIRER at ABS-CBN news network sa mga banat ng media sa kanya.
Sinisisi ko ang communications office ng Malakanyang dahil hindi sinabihan si presidente ng pamamaraan ng media sa pakikitungo sa gobyerno.
Talagang likas sa media ang bumatikos at kung minsan ay maging personal sa kanilang mga banat.
Kailangan lang na intindihin ng presidente ang media, lalo na ang INQUIRER.
Huwag sanang makinig si Mano Digong sa kanyang mga advisers at supporters na bumubuyo sa kanya na makipag-away sa media dahil hindi ito nakakatulong sa kanyang pamamahala sa bayan.
Baka nakalimutan lang ng pangulo na ang pagiging killjoy ng media sa gobyerno ay lalong nagpapalakas ng demokrasya ng bansa.
Huwag sanang kalimutan ng pangulo na ang media, na tinatawag din na fourth estate, ay ika-apat nguni’t unofficial na sangay ng gobyerno. Ang tatlong sangay ng gobyerno ay ang executive branch, na pinangungunahan ng Palasyo, ang Kongreso at mga hudikatura.
I cannot speak for the Lopezes na nagmamay-ari ng ABS-CBN dahil hindi naman ako nagtatrabaho sa nasabing news network.
Katotohanan at patas na pamamahayag ang aking habol sa pagtatanggol ko sa pamilya Prieto na inupakan ng Pangulong Digong.
Ang mga Prieto ay majority owners ng INQUIRER.
Hindi nakikialam ang mga Prieto sa pagpapatakbo ng editorial at news ng kanilang diyaryo.
Hinahayaan ng mga Prieto ang mga editors at columnists, na gaya ng inyong lingkod, na isulat ang nakikita nilang nararapat para sa kaalaman ng taumbayan.
Ang totoo niyan, nakikiusap pa nga ang mga Prieto sa mga editors na bigyan ng espasyo sa diyaryo ang kanilang mga kaibigan na nabatikos ng INQUIRER.
Nakikiusap din sila na ilabas sa kanilang diyaryo ang mga press releases ng kanilang mga kaibigan, kakilala o kamag-anak.
Hindi sila nag-uutos kung anong istorya ang ilabas ng INQUIRER at anong hindi.
Maaari pa ngang nangingiwi na lang si Sandy Prieto-Romualdez, president ng INQUIRER, kapag binabanatan ng diyaryo ang dating first lady na si Imelda Romualdez-Marcos.
Si Imelda kasi ay tiyahin ni Philip Romualdez, asawa ni Sandy.
Pero ni minsan ay hindi nagsabi si Sandy sa mga editors na dahan-dahanin naman ang pagbatikos kay Imelda Marcos.
Nagkaroon ako ng magandang karanasan sa mga Prieto mahigit 10 taon na ang nakararaan.
May binatikos akong kamag-anak ng mga Prieto, na ang apelyido ay Prieto rin.
Lasing na nakipag-away ang kamag-anak ng mga Prieto sa isang Amerikano sa loob ng Subic Freeport.
Hindi ako kinompronta ng mga Prieto sa aking pagbatikos sa kanilang kamag-anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.