Ginto sa 10,000m nakopo ni Martes sa edad na 37 | Bandera

Ginto sa 10,000m nakopo ni Martes sa edad na 37

- March 30, 2017 - 10:11 PM

ILAGAN City, Isabela — Humataw ang isang nagbabalik na beteranong mananakbo habang nagpakitang gilas naman ang isang baguhan sa steeplechase sa unang araw ng kompetisyon sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships dito sa bagong gawang Ilagan City Sports Complex.

Ipinadama ng 37-anyos na si Christabel Martes na kaya pa niyang makipagsabayan sa mga mas batang katunggali nang masungkit niya ang gintong medalya sa women’s 10,000-meter run sa tiyempong 38 minuto at 50.52 segundo.

Hawak din ng 2001 at 2005 Southeast Asian Games marathon champion ang National Open 10,000m record na 34:40.2 na kanyang itinala noong 2001.

“Kaya pa po kung talagang tututok ako sa tamang training,” sabi ni Martes nang tanungin siya kung nais pa niyang irepresenta ang bansa sa international games.

Isa sa pagbabasehan ng Patafa ang performance ng mga atleta rito sa pagpili ng mga ipadadala ng bansa sa 2017 SEA Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31.

Pumangalawa kay Martes ang kapwa niya dating Milo Marathon queen na si Jho-Ann Villarma ng Philippine Army na nagtala ng tiyempong 40:20.58. Pumangatlo si Miscell Gilbuena ng Philippine Air Force (42:43.75).

Samantala, dobleng kasiyahan ang mauuwi ni Immuel Camino na mula San Fernando, Bukidnon  matapos itong magtala ng upset win sa 3,000m steeplechase kung saan hindi nakatapos ang national record holder at 2015 SEA Games gold medalist na si Christopher Ulboc.

Nangunguna si Ulboc, na bitbit ang Philippine Air Force, matapos ang ikatlong ikot ng event bago lamang ito biglang tumigil at napaluhod sa gitna ng oval dahil sa iniinda nitong injury  sa kaliwang hita na Ilotibial Band Syndrome (IBS) o isang uri ng strain sa litid ng hita.

Ito ang nagbigay daan sa 23-anyos na si Camino upang makuha ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa tiyempong 9:33.65. Tinalo niya sina Jomar Angus ng Ilagan (9:50.17) at Ike Jumao-as ng Mapua (9:54.22).

Si Camino ay ay nagwagi ng tatlong ginto sa NCAA para sa Arellano University sa mga event na 1,500m run, 5,000m run at sa 3,000 steeplechase.

“Pagod pa po ako kasi katatapos lamang sa NCAA tournament. Ganyan po lagi kapag may tournament, kundisyunan po talaga. MInsan maganda ang kundisyon mo, minsan naman mahina ka,” sabi lamang ni Camino patungkol sa kakampi nito sa pambansang koponan na si Ulboc.

Isang maagang regalo rin ang gintong medalya sa magtatapos sa kurso nito na Sports and Wellness Management ngayong Abril 1 na si Camino at hindi na magagawang makasali sa event na 5,000m run dahil nakatakda itong sumama sa commencement exercise at graduation rites sa Abril 1.

“Tumigil muna po kasi ako para makapag-aral ang kapatid ko na si Edwin na nagtapos ng Information Technology. May 5km pa sana ako na event kaya lang hindi na ako makakasali dahil kailangan ko dumalo sa graduation ngayong Abril 1 kasi pupunta ang buong pamilya ko,” sabi ni Camino.

Dahil sa panalo ay napalakas ni Camino ang tsansa na makasama sa pambansang delegasyon na isasabak sa 29th Malaysia SEA Games kung saan nakatakda pa itong lumahok sa susunod na linggo na Singapore Open para mas lalo pa nito makumpirma ang kanyang pagkakapasa sa kuwalipikasyon.

“Nakahiligan ko lang po,” sabi ng tanging atleta sa pamilya na si Camino na nagwagi rin ng 2 ginto at 1 pilak noong 2011 Palaro.

“Pinakamakulit po ako sa magkakapatid at lagi po napapalo noong kabataan ko kasi napaka-active po ako kaya po ako napunta sa running,” sabi pa ni Camino na pang-apat sa limang magkakapatid mula sa magsasaka na sina Edgar at Divina.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi naman nagpaiwan miyembro din ng national pool na si John Albert Mantua matapos iuwi ang gintong medalya sa men’s shotput sa inihagis nito na layong 14.90m. Ang 24-anyos na Criminology undergraduate na mula Fatima, General Santos City at isang taon pa lamang sa pool ay umaasa na makabilang din sa isasabak sa Malaysia SEA Games.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending