CITY of Ilagan, Isabela — Agad na nagpamalas ng lakas ang national pool member na si John Albert Mantua matapos nitong biguin ang dalawang dayuhan mula Malaysia sa men’s shot put event sa unang araw ng kompetisyon ng 2018 Ayala Philippine Athletics Championships Huwebes dito sa Ilagan City Sports Complex.
Inihagis ng 25-anyos na atletang mula Gen. Santos City na si Mantua ang metal ball sa layo na 15.85 metro sa kanyang ikatlong hagis upang talunin ang 10 iba pang kalahok.
“Maganda po ngayon kasi na-break ko ‘yung personal record ko,” sabi ni Mantua na ang dating personal best ay 15.82 metro. “Napaghandaan ko rin po ang hagis ko kasi since last year ay tuluy-tuloy na ang naging training ko. Full-time athlete na kasi kaya gusto ko sana makasama sa Asian Games.”
Ito ang ikaapat na taon sa Philippine Athletics Championships na naka-ginto sa shot put si Mantua na apat na taon ding namayani sa NCAA at dalawang beses na tinanghal na NCAA Most Valuable Player.
Pumangalawa at ikatlo ang Sabah Malaysia team members na sina Brynoth Alarick Larry (14.32) at Zulkifli Bin Saldin (14:09).
Bagaman maliit ang tsansa na makasama sa pambansang delegasyon na sasabak sa 18th Asian Games sa Indonesia ay nais pa rin ni Mantua na mahigitan ang kanyang mga personal best dito sa Ilagan.
Kapapanalo lamang niya ng tansong medalya sa discus throw noong Mayo 25-26 sa Taiwan Athletic Open.
Itinala naman ni Macrose ‘Nona’ Dichoso ng Philippine Army ang unang upset win ng palaro.
Ito ay matapos na biguin ni Dichoso ang mga dating Philippine marathon queen at gold medal winners ng Southeast Asian Games na sina Christabel Martes at Jho-an Banayag-Villarma sa 10,000m run ng palarong suportado ng Ayala Corporation, City of Ilagan, Milo at Philippine Sports Commission.
Agad kinuha ng 24-anyos na Private First Class at tubong-Santa Rosa City ang solong trangko sa ikalimang ikot ng 25-lap foot race upang iuwi ang gintong medalya sa loob ng 39 minuto at 41 segundo.
“Ayaw kasi nila mag-lead kaya noong sinabi ng coach ko na mabagal ang pacing ay kinuha ko na dahil kailangan sa time performance dahil gusto ko po makabalik sa national pool,” sabi ni Dichoso.
Pumangalawa si Banayag (40:30.87) habang pumangatlo naman si Lany Adaoag (42:13.86).
Nasunog naman si Martes at nabigong tapusin ang 10,000-meter race kahapon. Tumapos siya sa ikalimang puwesto sa Jeju Half Marathon sa South Korea na ginanap nito lamang Linggo.
Solaño tinalo si Ulboc sa PH Athletics Open
Binigo ng papaangat na long distance runner na si Richard Solaño ng Philippine Army ang two-time Southeast Asian Games gold medalist na si Christopher Ulboc Jr. ng Philippine Air Force upang itala ang pinakamalaking upset sa 2018 Ayala Philippine Athletics Championships Huwebes dito sa City of Ilagan Sports Complex.
Nakipagsabayan sa unang tatlong ikot ng men’s 3000m steeplechase ang 24-anyos mula Marilao, Bulacan at graduate ng Information Technology sa University of the East-Manila na si Solaño sa miyembro ng national team na si Ulboc Jr. bago kumawala tungo sa pagsungkit sa una nitong gintong medalya sa ginaganap na kompetisyon.
“Tumutok lang po ako sa kanya sa unang lap pero noong maramdaman ko mabagal ang pacing niya ay sinubukan ko na kumalas. Hindi na siya nakasabay sa akin kaya itinuloy ko na,” sabi ni Solaño, na ibinigay sa Philippine Army ang ikalawang ginto matapos na magwagi si Macrose Dichoso sa unang event na women’s 10,000m run.
Itinala ni Solaño ang tiyempo na 9 minuto at 23.21 segundo para sa ginto habang nagkasya sa pilak si Ulboc sa 9:39.43. Ikatlo si Jomar Angus ng De La Salle University na may 9:57.91. Ang national record ay hawak ni Hector Begeo na 8:35.09 na itinala nito noong Seoul Olympic Games noong 1988.
Ikatlong gintong medalya naman sa torneo ang nasungkit ni Solaño na una nang nagwagi sa Patafa National Open noong 2016 sa 5k at 10k race. Nakatakda pa sumali si Solaño sa nasabing dalawang event sa Hunyo 4 at 5.
Aminado naman si Ulboc Jr., na kinailangan sumailalim sa Basic Military Training (BMT), sa kakulangan sa training at paghahanda para masungkit muli ang kanyang dating silya sa pambansang koponan.
“Kulang na kulang pa sa talaga sa training. Depende na lang sa sitwasyon kung makakabalik pa sa national team. Baka magtrabaho na rin lang ako. Una hanggang 3 laps sabay halos sabay pa kami. Pagkalampas sa barrier ay kinuha at nagsolo na siya,” sabi ni Ulboc.
Si Ulboc Jr. ay nagawang makapagwagi sa dalawang sunod na edisyon ng Southeast Asian Games sa men’s 3000m steeplechase event. Huli itong nagwagi noong 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.