DU30 bigo sa droga | Bandera

DU30 bigo sa droga

Lito Bautista - March 31, 2017 - 12:10 AM

SA pagtuligsa sa mga gawa sa dilim, nalalantad ito sa liwanag. Naliliwanagan ang nalalantad sa liwanag. Iyan ang Pagninilay sa ikalawang pagbasa sa Ebanghelyo (1 Sm 16:1b, 6-7, 10-13a; Ef 5:8-14; Slm 23:1-3a, 3-b, 4, 5, 6; Jn 9:1, 6-9, 13-17, 34-38) sa ikaapat na linggo ng Kuwaresma.

Nasa karimlan pa rin ang administrasyong Digong at kontra-Digong. Walang makapagsasabi, maliban sa langit, kung hanggang kelan sila mananatili sa karimlan. Bilang ikaw, ilantad ang karimlan sa liwanag nang malaman ng lahat ang mali sa ligaw na daan.

Kung droga ang dahilan ni Digong para hirangin na lang ang mga barangay chairmen, malinaw na bigo ang promdi sa kanyang gera. Marami na ring barangay chairmen ang napatay sa droga (sa Caloocan at Maynila, apat na), pero bakit may droga pa rin? Meron pa ring pulis at AWOL na tulak (sagot).

Sa Barangay Bagong Silang, Caloocan (ang pinakamalaki’t pinakamalawak sa buong bansa, kaya sinusubaybayan ng lahat), malaki na ang nagawa nina Mayor Oca Malapitan at Chairman Joel Bacolod kontra droga. Pero, naroon pa rin ang runner ng tiwaling mga pulis at maluwag na nakapapasok ang droga galing sa Quezon City; Marilao at San Jose del Monte City, Bulacan.

Parating mga nakamotor ang pinapara sa walang humpay na checkpoint. Ang droga ay nasa SUV, ambulansiya ng punerarya, trak ng basura na kokolekta pa lang, service ng junk shop, dump trucks, atbp. Kung may droga man sa nakamotor, sachet-sachet lang yan at baka tanim pa. Di nahuhuli ang nakasupot at nakasilid sa ecobags. Bobong intel na binulag ng pera dahil kasabwat.

Paano kung may droga pa rin sa pamamahala ng bagong hinirang na barangay chairman? Sisibakin ba ito at hihirang muli ng bago? At may droga pa rin? Baka maubos ang tao sa barangay sa kahihirang, kapapalit, at lumaki pa ang problema sa droga? Ano kaya’t palitan na lang si Bato (yung di taga-Davao naman), baka malutas pa ang problema sa droga?

Sa political science, ang tawag dito ay “belated implications on mandate narrative.” Hindi ito suka na kapag nilagyan ng asukal ay tatamis at puwede na. Ang “timpla” ay di agad malalasahan dahil “belated” ang “implications.” Kahit si DU30 ay di nakatitiyak na kapag hinirang ang chairman ay lutas na ang problema. Ang tabo ay maraming bahagi na puwedeng butasan.

Maraming pulis ang bagong salta sa North Caloocan. Ilang pulis na sanay sa tumbahan ang ayaw patayin ang ilang kilalang drogista. Kung magtatrabaho, patay ang mga demonyo. Pero, takot sila sa buwelta. Pamilya nila ang reresbakan, kaya wala munang Moro na itinutumba.

Naduwag si Leni Robredo (di pa siya tuluyang VP hangga’t di nakapagpapasya ang PET) sa kababanat kay Digong. Sa magtitinda, ang kuwentang mahigit 7,000 ay may claras (cuentas claras) at kasya ito kahit sa notebook. Walang tala ang CHR. Mabuti pa ang magtitinda at bumbay, tugma ang tala.

Sa dami ng nakakulong sa Caloocan City Jail, at dahil sa nagkasabay-sabay na bista sa 10th ave., (second district) at Vicas (first district), kulang na ang Cory yellow detainee t-shirt. Karamihan sa preso ay huli sa droga dahil di na rin kayang pumatay nang pa-simple. Kaya civilian clothes ang suot ng mga preso. Kung tumabi at makisabay sa mga tao, di na sila halatang preso at makatatakas na.

KUWARESMA: Nakausap mo na ba ang iyong konsensiya? Ito ba’y nananatiling “educated, formed, disciplined, purified,” tulad nang itinuturo ng Katesismo? Bilang sugatang makasalanan, may aral pa bang nalalabi sa 40 araw na paghihirap ni Jesus?

PANALANGIN: Hilumin Mo nawa ang aming kawalan ng pag-asa sa gitna ng napakaraming pagsubok at kahirapan. Pagsasagawa sa kapistahan ni Santa Gwendolina.

REKLAMO ng bayan (0916-5401958; [email protected]): Maraming green boys si Bistek, bakit barado pa rin ang intersection sa FCM, Fairview? …1446

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Duda kaming residente na may basbas ng gobyerno ang agaw-bahay ng Kadamay sa Pandi. …2098

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending