12th SEA Youth Championships sisikad sa Ilagan, Isabela
ILAGAN CITY, Isabela – Maghaharap ang pinakamahuhusay na kabataang track at field athletes sa rehiyon sa paglahok sa 12th South East Asian (SEA) Youth Athletics Championships habang nakataya ang mga silya para sa pambansang delegasyon sa kasunod na 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships na kapwa gagawin dito sa P250-milyon na Ilagan City Sports Complex sa Ilagan, Isabela.
Isasagawa ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) at City of Ilagan, mahigit sa 100 delegado mula Brunei, Hong Kong, Indonesia, Iraq, Malaysia, Singapore, Sri Lanka, Timor Leste at host Pilipinas ang magsasagupa sa isang linggong torneo.
Paglalabanan ang SEA Youth Athletics simula Marso 27 hanggang 28 tampok ang mga atleta edad 17-anyos pababa mula sa mga kalapit bansa bago sundan ng National Open simuya Marso 30 hanggang Abril 2 na magsisilbi na final tryout sa mga atleta na nagnanais sumabak sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Isang parada ang magpapasimula sa 12th SEA Youth Athletics Championships mula sa City Hall patungo sa Ilagan Sports Complex ganap na alas-4 ng hapon ng Linggo habang gaganapin ang mga laro Lunes at Martes.
Isasagawa naman ang opening ceremonies para sa lalahok sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Marso 29 sa ganap din na alas-4 ng hapon.
Inimbitahan si Labor Secretary Silvestre Bello III, na tubo mismo sa Ilagan City, upang makasama nina Patafa president Philip Ella Juico at Isabela Governor Faustino Dy III upang maging panauhing pandangal sa pagbubukas ng 12th SEA Youth Athletics Championships.
Tampok sa 12th SEA Youth games ang 36 athletic events habang mayroon naman na 98 events ang paglalabanan sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.