Star Hotshots nilampaso ang Globalport Batang Pier
Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo City)
4:30 p.m. Blackwater vs Rain or Shine
6:45 p.m. TNT KaTropa vs Phoenix Petroleum
Team Standings: Meralco (3-0); Rain or Shine (2-0); Alaska (2-0); Star (2-0); Phoenix (1-1); Mahindra (1-2); TNT (0-1); Globalport (0-2); Blackwater (0-2); NLEX (0-3); San Miguel Beer (0-0); Ginebra (0-0)
NAKUHA ng Star Hotshots ang ikalawang sunod na panalo matapos tambakan ang Globalport Batang Pier, 103-77, sa kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup elimination round game Sabado sa Mindanao Civic Center Gym sa Tubod, Lanao del Norte.
Nagtapos si Tony Mitchell na may 22 puntos at 17 rebounds para pamunuan ang Hotshots na umangat sa 2-0 karta.
Nagtala naman si Sean Williams ng 20 puntos at 14 rebounds para pangunahan ang Batang Pier na nahulog sa 0-2 record.
Samantala, ikatlong sunod na panalo at pagsalo sa liderato ang hangad ng defending champion na Rain or Shine Elasto Painters sa pagsagupa nito sa Blackwater Elite sa opeing game ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Agad magsasagupa ganap na alas-4:15 ng hapon ang hindi pa nakakatikim ng kabiguan na Rain or Shine at hindi pa nakakalasap ng panalo na Blackwater bago sundan ng salpukan ganap na alas-6:45 ng gabi ng TNT KaTropa Texters at Phoenix Petroleum Fuel Masters.
Bitbit ng Elasto Painters ang 2-0 panalo-talong kartada habang 0-2 naman ang record ng Elite.
Ang Fuel Masters ay mayroon naman 1-1 karta habang may 0-1 record naman ang Tropang Texters.
“Despite losing their first two games we can’t come out flat against Blackwater,” sabi ni Rain or Shine coach Caloy Garcia. “They have a good import and their locals can step up at any time. We just have to follow the game plan and we have to be very consistent on defense.”
Tinalo ng Elasto Painters ang NLEX Road Warriors, 113-105, at ang Mahindra Floodbuster sa overtime, 99-95, habang nabigo naman ang Elite sa Phoenix sa double overtime, 118-116, at Alaska Aces, 109-95.
Aabangan sa salpukang Elasto Painters-Elite ang reinforcement matchup nina Shawn Taggart at ang NBA veteran na si Greg Smith.
Magkakasukatan naman sa bakbakan ng Fuel Masters at Tropang Texters ang mga import na sina Jameel Mckay at Lou Amundson.
Itatayo ni Mckay ang Phoenix mula sa 82-101 pagkatalo sa Star matapos magwagi kontra Elite gamit ang standby import na si Eugene Phelps.
Pilit din babangon ang TNT at si Amundson mula sa nalasap na 89-94 kabiguan sa Meralco Bolts.
Puwersado si Amundson na makapagpakita ng tunay na laro matapos magtala ng 18 puntos at 19 rebounds sa una nitong laro noong Biyernes ng gabi lalo’t narito na ang orginal choice ng Tropang Texters na si Donte Green.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.