NITONG linggong ito ay umatras na naman sa pagpapatupad ng Odd-Even Scheme sa EDSA ang Metropolitan Manila Development Authority. Pag-aaralan at pag-uusapan na naman daw ulit ng mga miyembro ng MMDA ang panukalang vehicle reduction scheme na ito.
Sa sobrang dami ng mga panukala, wala naman kahit isang plano ang tunay na matagumpay na nakapagpabilis ng daloy ng trapiko sa EDSA. Sa katunayan, halos lahat ng eksperimento ng MMDA ay sa kalaunan ay nagiging problema pa ng motorista.
So papaano ba talaga natin iintindihin ang trapiko sa EDSA? Ano ba ang dahilan kaya masikip at magulo ang daloy ng trapiko rito? Sino ba ang dapat sisihin, suhetuhin, pagbawalan at sitahin?
Dati ko nang sinabi na dapat ay simulan ang problema sa isang malawakang pag-aaral. Simulan ito sa source ng mga sasakyan na bumabagtas ng EDSA. Saan ba talaga galing ang mga ito at saan ang tunay na patutunguhan? Ano ang dahilan o purpose at nasa lansangan ang mga ito? Puwede ba na huwag sila sa EDSA dumaan?
Kapag natukoy niyo na ang mga tanong na ito, may isa kayong mapapansin. Ang ruta ng kalakaran sa buong Luzon, mula Aparri sa Norte hanggang Matnog sa Bicol ay kailangan dumaan sa Metro Manila.
Ang EDSA ang naging default highway ng lahat ng biyahe na kailangang magtungo mula Hilagang Luzon patungong Timog Luzon.
Walang ibang mala-king lansangan na nagdudugtong sa dalawang dulo ng Luzon kundi ang Metro Manila roads at dalawa lang talaga ito, ang EDSA at ang C-5.
Ang northern Metro Manila naman at Southern Metro Manila ay
idinudugtong naman ng dalawang tulay lamang, ang Guadalupe Bridge sa EDSA at ang Pasig Bridge sa C-5.
Ngayon, isipin ninyo, anong vehicle reduction scheme ang magbabawas ng daang libong sasakyan na kailangan tumawid mula Northern Luzon papuntang Southern Luzon. Ilang trak, bus at kotse ang araw-araw ay nakikiraan sa loob ng Metro Manila para makarating sa patutu-nguhan nila?
Kailangang gumawa ng diversion highway na magkakabit ng north at south na hindi na kailangan dumaan sa loob ng Metro Manila. Papaano gagawin ito? Tignan po natin ang mapa. Napakalaki ng lupain sa Eastern side ng Metro Manila. May highway rito na ang tawag ay Manila East Road. Ikinakabit po nito ang Bulacan sa Laguna palihis ng Laguna de Bay.
Pero bakit ipinipilit pa rin ang development ng highway sa loob ng Metro Manila? Bakit kailangang nakapatong sa EDSA at ibang lansangan sa EDSA ang bypass roads? Bakit hindi dalhin sa Rodriguez at Montalban, Rizal patawid patungong Pagsanjan, Laguna
palabas ng Cavite, Batangas at Quezon?
Dahil kaya ang mga nag-iisip ng solusyon ay nakatira sa Metro Manila at hindi masakop ng pag-iisip nila na ilabas sa Kalakhang Maynila ang solusyon? O dahil wala silang kikitain sa mga kontrata kung sa labas ng Metro Manila ang solus-yon?
Para sa tanong o komento, sumulat lang sa [email protected] o ….
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.