SUMIGAW nang malakas at huwag mangamba. Ipamukha sa bayan ang kanilang mga pagkakasala. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Is 58:1-9a; Slm 51:3-4, 5-6ab, 18-19; Mt 9:14-15) sa Biyernes pagkatapos ng Miyerkules ng Abo.
Ang pagkakasala ng kasalukuyan at nakalipas na administrasyon, at maging mga pari, ay kailangang isigaw ng taumbayan. Kung ang simbahan ay hinihimok din ang lipunan na ihayag ang sala ng mga pari para maiwasto at maparusahan ang nalihis, higit na dapat ihayag ang mga sala ng mga opisyal.
Sa pamamagitan ng kanyang opisyal, nangako si Dinky Soliman na iimbestigahan ang aking dokumentadong isinulat hinggil sa CCT noon, na ang mga benepisyaryo ay hindi mahihirap. Hanggang ngayon ay walang imbestigador na bumaba sa North Caloocan.
Noong Martes, dininig ng Lupon Tagapamaya sa isang barangay sa North Caloocan, habang iiling-iling ang dalawang kinatawan ng DSWD, ang isinanlang ATM ng gobyerno. Sa ibang bagay napunta ang pera ng CCT. Bukas na aklat sa North Caloocan na ang pera ng CCT ay ibinibili ng shabu, alak, pantaya sa jueteng at pantustos sa bisyo.
Di kapado ni Bato ang PNP. Ang PNP ay ginagamit na sa destab. Bumibilang na ang mga napapatay na nakaposas. Posible ba na mga jaguar, o barangay tanod ang pumosas saka binaril? Posible ba na mga pulis ang gumawa sa kalaliman ng gabi at iwanan na lang ang idaragdag sa tara ng “death under investigation?” Ebidensiya ito ng EJK.
Palagi raw nasa “field” si Leni. Kasinungalingan. Kung nasa “field” si Robredo, bakit wala siya sa basketball court ng Camp Karingal nang hakutin ang mga user at adik. Wala rin siya sa pagbabahay-bahay sa South at North Caloocan. Kung naroon lamang siya, narinig sana niya na lahat ay umamin sa shabu, gamit at laktu. Nanloloko lang si Robredo dahil ginagamit siya ng mga laos (LP).
Di na nagtataka ang ilang pari sa Diocese of Novaliches nang dedmahin ni Soc Villegas ang paninindigan ni Gloria Arroyo kontra death penalty. Sa Cebu, marami ang umalma nang mismong ang kanilang mga kongresista na cerrado Catolico ang pamilya ay bumoto ng “yes” sa death penalty. Si Soc Villegas ay dilawan, ang kulay ng apoy na nag-uumpisa bago maging pula tulad ng nasa impiyerno.
May human rights din naman ang mga may-ari ng housing units sa Pandi at Bocaue, Bulacan. Sa phase ng BJMP, umalma ang pamilya ng mga may-ari at handa nang labanan ang agaw-bahay gang. Di nagtagumpay ang Kadamay sa Batia, Bocaue dahil handa ang mga residente.
Maralitang walang “skills” sa buhay ang mangangamkam na mga Kadamay. Kaya, mananatili silang hilahud at nakakadena sa kahirapan. Ang mahihirap ang ginagamit ng komunista. Ang masakit sa mga arawang naghahanap-buhay, pinasusuweldo pa nila ang mga komunista sa gobyernong Digong.
Kung susundin ang katuwirang Kadamay, kapag nagutom at kumalam ang sikmura, mang-agaw na lang ng pagkain; dahil ang maralitang nagugutom ay may karapatang kumain? Ang homilia ng isang reverendo sa Parokya ni San Jose Manggagawa sa San Jose del Monte City, Bulacan ay tinatapos ng: Ang tamad, huwag pakainin.
Napakaraming komunista sa gobyernong Digong. Imbes na magtrabaho sila para sa edukasyon at kapakanan ng maralita, hinihikayat pa nila ang mga ito na mang-agaw ng bahay, lumabag sa batas, maghari sa ngalan ng karukhaan. Ang komunista ay demonyo sa bundok: mapasasaiyo ang mga yan kapag sumunod ka.
KUWARESMA (Lent): Hamon ko sa mga pari ay paramihan ng pinakukumpisal sa inyong parokya. Kung kayang alamin ang kanilang pamumuhay ay gawin ito. Ang di gagawa ay di umaalis sa trono. Maging ama at ituring na mga anak ang inyong pinakumpisal, lalo na sa pagpapayo; at huwag magmamadali dahil may susunod pa.
PANALANGIN: Linisin Mo sana ang aking karumihan at patawarin Mo yaring kasalanan. Salmo 51 (dalanging paghingi ng kapatawaran).
MULA sa bayan (0916-5401958; [email protected]): Bakit ayaw pasukin ng PDEA ang Pilar Village, Las Pinas? Hindi naman ito drug-free. …9065
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.