Cesar ‘abswelto’ agad sa reklamo ng TPB matapos ipagtanggol ni Pangulong Digong
SINAGOT na ni Cesar Montano ang mga akusasyong ibinato laban sa kanya ng mismong mga kasamahan niya sa Tourism Promotions Board na nasa ilalim ng pamamahala ng Department Of Tourism.
Kawalan ng kapasidad para maging COO ng ahensiya ang unang ibinato laban sa aktor. Ikalawa ang pagpasok diumano niya sa mga maanomalyang transaksiyon na walang basbas ang DOT.
Kasama rin sa mga reklamo laban kay Cesar ang pagkuha niya ng mga empleyadong hindi iba sa kanya, puro kadugo niya ang mga staff niya, kaya tinawag na Kamag-anak Incorporated ang mga nagtatrabaho sa TPB.
Hindi rin daw ginagampanan nang maayos ng aktor ang kanyang trabaho, nakakulong lang daw si Cesar sa kanyang kuwarto at gitara nang gitara, maaga rin daw siyang umaalis sa mga okasyong ang TPB ang namamahala.
Ang simpleng sagot ni Cesar, “Those allegations are baseless, wrong and untrue. Offshoot lang ‘yun ng mga anomalies at irregularities na na-discover ko dito sa opisina.”
Nang makarating naman kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dokumento ay agad nitong ipinagkibit-balikat ang reklamo, buung-buo pa rin daw ang tiwala at kumpiyansa nito sa aktor, kaya ngayon pa lang ay alam na natin kung saan hahantong ang reklamong ihinain laban kay Cesar Montano ng kanyang mga kasamahan na hindi naman naglantad ng mga pangalan.
Literal na magiging eroplanong papel lang ‘yun na paliliparin papunta sa basurahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.