Reklamo vs Cesar Montano hindi pa nakakarating kay Duterte
HINDI pa nakakarating sa mesa ni Pangulong Duterte ang mga reklamo na inihain ng mga empleyado ng Tourism Promotions Board (TPB) laban sa kanilang chief operating officer na si Cesar Montano.
Sinabi ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr. na isusumite pa lamang ang mga ito kay Special Assistant to the President Bong Go.
“Iko-consolidate ang report about Montano para isubmit kay Bong Go,” sabi ni Evasco.
Nakalagay sa letter complaint ang 24 na umano’y mga kuwestiyonableng ginawa ni Montano, kabilang na ang pagpasok sa multimillion na halaga ng maanomalyang mga kontrata, pagkuha ng sariling empleyado na ang trabaho ay kapareho lamang sa mga dinatnang mga manggagawa.
Kabilang sa mga umano’y kuwestiyonableng kontrata ay ang P16.5 milyong cash sponsorship ng TPB sa isang kompanya na siyang humawak sa produksyon ng isang rali para kay Pangulong Duterte noong Pebrero 25, sa Luneta na dinaluhan ng mga tao kasama na ang mga pinasok ng mga lokal na pamahalaan.
Bukod pa rito, gumastos din umano ang TPB ng P12 milyon para sa concert nina James Reid at Nadine Lustre sa ibang bansa.
Katatalaga lamang ni Duterte kay Montano bilang COO ng TPB noong Disyembre 2016.
Ang TPB ay isang corporate arm ng Department of Tourism (DOT).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.