HUWAG lang magkakaroon ng injury (knock on wood), sure na si June Mar Fajardo na magwawagi ng ikaapat na sunod niyang Most Valuable Player award sa 42nd season ng PBA.
Ito ay matapos na maparangalan siya bilang Best Player ng nakaraang Philippine Cup kung saan natulungan niya ang kanyang koponang San Miguel Beer na magkampeon.
Actually, napantayan ng Beermen ang record ng TNT KaTropa na nagwagi ng tatlong sunod na Philippine Cup titles.
Noong nakaraang season ay nagposte ng bagong kasaysayan sa PBA si Fajardo nang mapanalunan niya ang MVP award sa ikatlong sunod na taon. Wala pa kasing nanalo ng MVP award nang back-to-back-to back. Sina William “Bogs” Adornado at Alvin Patrimonio ay nagwagi lang ng back-to-back.
Tuloy ay naiisip natin na kung hindi nagtamo ng injury si Fajardo sa kanyang unang taon sa liga baka napantayan niya ang record ni Benjie Paras na naging Rookie of the Year at MVP sa isang season.
Baka ngayon ay apat na MVP awards na ang kanyang napanalunan at napantayan na rin niya ang records nina Patrimonio at Ramon Fernandez na kapwa nagretiro matapos magwagi ng apat na MVP awards. So kung magwawagi siya ng ikaapat na MVP award sa dulo ng season na ito, e di pantay na nga sila nina Patrimonio at Fernandez.
Kaso mo’y nasa ikalimang season pa lang sa PBA si Fajardo. So, ilang MVP awards pa ang pwede niyang mapanalunan?
E siya ang pinakadominanteng player sa PBA ngayon. Hindi siya ang pinakamatangkad, pero taun-taon ay nagi-improve siya.
Ang pinakamatangkad na manlalaro ay ang seven footer na si Gregory Slaughter ng Barangay Ginebra. Pero bakasyon si Slaughter ngayon dahil sa nagpaopera sa tuhod. Sa third conference pa siya makakabalik.
At kahit naman maglaro si Slaughter, malamang na angat pa rin sa kanya si Fajardo. Tuloy ay hindi mapigilan ng lahat na ipagkumpara ang history ng dalawang manlalarong ito. Nagkasabay kasi sila sa Cebu at naglaro sa CESAFI.
Sa mga unang taon ng kanilang rivalry ay nakaaangat si Slaughter at lagi niyang tinatalo si Fajardo sa labanan para sa MVP award. Kaya naman si Slaughter ang pinag-agawan ng mga teams sa Maynila at napunta nga siya sa Ateneo para sa mga huling taon niya sa kolehiyo. Natulungan niya ang Blue Eagles na magkampeon sa UAAP.
Nanatili sa Visayas si Fajardo at na-develop nang husto ang laro hanggang sa umabot siya sa ASEAN Basketball League kung saan kinuha siya ng San Miguel. Kaya naman pinilit ng San Miguel na makuha siya bilang number one pick sa draft limang taon na ang nakalilipas.
Pero hindi siya gaanong napakinabangan dahil sa inoperahan siya sa maselang bahagi ng katawan matapos na matamaan ni Marc Pingris sa isang rebound situation. Tuloy ay nagkulang ng games si Fajardo at tinalo ni Calvin Abueva ng Alaska Milk para sa ROY award. At sa unang season niya ay hindi naman nagkampeon ang Beermen. Nanalo naman ng isang titulo ang Aces.
Pero nang makabalik sa active duty si Fajardo ay nagtuluy-tuloy na ang tagumpay niya.
Magtutuluy-tuloy ba ang pagkamal ni Fajardo ng MVP awards at pagkakampeon ng San Miguel?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.