Epektib ang pananakot ng ‘Pwera Usog’ sa madlang pipol
TAMA ang sinabi ni direk Jason Paul Laxamana na kakaiba ang ginawa nilang atake sa latest horror movie ng Regal Entertainment na “Pwera Usog”.
Ito ang unang horror film na ginawa ni direk Jason kaya para sa amin, pasado siya rito with flying colors dahil bukod sa kakaibang kuwento nito na tumatalakay nga sa pamahiin ng mga Pinoy tungkol sa “usog”, impressive rin ang special effects nito at akting ng mga kasaling artista.
Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na premiere night nito sa Promenade Cinema sa Greenhills, San Juan at in fairness, ilang beses kaming ginulat at napasigaw sa kabuuan ng “Pwera Usog”.
Epektib ang ginawang atake nina Sofia Andres, Kiko Estrada, Joseph Marco at Devon Seron sa kani-kanilang mga karakter. Hindi kasi sila OA tulad ng mga ginagawa ng ibang artista sa ilang horror movies, saktung-sakto lang ang ibinigay nilang akting pero ramdam na ramdam mo ang takot at pagod sa kanilang mga galaw at itsura.
Pero para sa amin, revelation dito si Kiko Estrada at Devon Seron, bukod sa may chemistry ang kanilang tambalan on screen, natimpla ni direk Jason nang bonggang-bongga ang kanilang mga role bilang magdyowa na lumaban sa kampon ng demonyo para sa kanilang kaligtasan.
Puro papuri rin ang natanggap ni Devon mula sa mga nanood sa premiere night dahil nabigyan niya ng hustisya ang kanyang karakter bilang taong-grasa.
“Actually, nu’ng binasa ko ‘yung script, na-shock ako na, ‘Oh my God, malaking pressure ito sa akin.’ Malaki dapat yung ibigay ko, yung best ko dapat nandito. So, at least, makikita ng mga tao yon and sana ma-appreciate nila ‘yon,” sabi ni Devon.
Hirit pa ng falaga, “Yung biggest challenge ko po dito sa role ko, hindi lang sa karakter ko kasi ako rin po nakaka-experience dito o nakakakita ng mga spirits. Kasi yung mga location po namin sobrang…mga abandoned building, so hindi rin po talaga iwasang may maramdaman akong kakaiba.
“Kasi po, usually pag nag-eeksena ako mag-isa lang. Tatakbo akong mag-isa, so ako naman po natatakot talaga ako,” sey pa ni Devon nang makachika ng press after ng premiere night.
Nakakaaliw naman ang role dito ni Joseph Marco bilang ka-partner ni Sofia, in fairness, siya ang nagbigay-aliw sa movie dahil sa havey lagi ang mga punchlines niya. Sabi nga namin sa kanya, pwedeng-pwede rin pala siyang mag-comedy dahil may timing siya sa pagpapatawa (kahit hindi siya nagpapatawa).
At siyempre, matatawaran pa ba ang galing nina Aiko Melendez at Eula Valdez na challenging din ang mga role sa movie? May isang eksena nga si Eula sa bandang ending na kahit balot na ng apoy ang buong katawan ay akting na akting pa rin.
Showing na ngayon ang “Pwera Usog” sa mga sinehan nationwode. Kasama rin dito si Albie Casino at ang bagong Regal baby na si Cherise Castro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.