Tiniyak ng Armed Forces na hindi magmimistulang war zone lahat ng operasyon kontra droga dahil sa malalaking sindikato lang gagamitin ang puwersa nito.
“The AFP will only be involved in high-impact operations and arrest of high-value targets. Our forces and assets provided for each operation will not conduct ‘Tokhang’,” sabi ni Col. Edgard Arevalo, public affairs chief ng AFP.
Ibinigay ni Arevalo ang pahayag kasabay ng paglagda ng AFP at Philippine Drug Enforcement Agency ng memorandum of agreement sa kanilang magiging papel sa giyera kontra droga.
Nilagdaan ang kasunduan kasabay ng napipintong pagbalik ng National Police sa war on drugs.
Sa ilalim ng kasunduan, pamumunuan ng PDEA lahat ng operasyon, pero AFP ang mangunguna sa pagkilos sa mga lugar na maraming armado, may mga rebelde, at may mga terorista, ani Arevalo.
Bukod dito, magpapalitan din ang PDEA at Counterintelligence Task Force NOAH ng AFP ng impormasyon na makakatulong sa pagtukoy, pagtunton, pagtugis, at pag-operate laban sa mga sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Tiniyak ng AFP na hindi magiging balakid sa mga pangunahing tungkulin nito ang pagsali ng mga kawal sa giyera kontra droga.
Samantala, inihayag ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na malapit nang bumalik sa anti-drug war ang pulisya, matapos ang halos isang buwang pag-iwas dito.
Nagpahiwatig si Dela Rosa na magkakaroon ang PNP ng panibagong anti-drug unit, na bubuuin ng “piling-pili” na mga tauhan.
Matatandaan na sinuspende ni Dela Rosa ang mga operasyon kontra droga ng pulisya at binuwag pa ang PNP Anti-Illegal Drugs Group matapos masangkot ang ilang pulis sa pagdukot, pangingikil, at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick-joo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending