KIDAPAWAN City, North Cotabato — Walo katao ang sugatan sa 5.7 magnitude na lindol na yumugyog sa maraming bahagi ng Mindanao kamakalawa ng gabi.
Naitala ang lindol alas-10:10 ng gabi, na ang epicenter ay natunton sa bayan ng Carmen sa North Cotabato. Sinira ng lindol ang ilang school buildings at tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan sa rehiyon.
Ayon sa pahayag ni Cynthia Ortega, North Cotabato provincial action officer, sa panayam sa radyo, lima katao ang nabagsakan ng debris sa kanilang mga bahay sa Barangay Kimadzil at tatlong bata ang sugatan sa bahagyang landslide sa Barangay Kibudtungan sa Carmen.
Sinabi ni North Cotabato Gov. Lala Taliño-Mendoza na apat na silid-aralan ang nasira, bunsod para suspendihin ang pagbubukas ng klase ngayon.
“The ceiling of the classrooms gave in, but the foundation of the structures are still OK,” ani Mendoza.
May 30 semi-concrete na mga bahay ang nasira sa dalawang barangay.
Sinabi ni Mendoza na dinala sa ospital ang mga sugatan at nakalabas pagkatapos lapatan ng paunang lunas.
Maraming residente na nagtamo ng bahagyang sugat ang di na nagpagamot sa ospital at nilapatan na lang nila ng pangunang lunas, ani Mendoza.
Sinimulan agad ang pagkukumpuni sa Kidmazil bridge na nag-uugnay sa North Cotabato at Bukdinon. Di muna pinadaan dito ang malalaking trak at bus.
Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, ng 6th Infantry Division, na nagmamando ng trapiko ang mga sundalo sa nasirang tulay.
Bahagyang nasugatan ang dalawang manananim ng mais nang gumuho ang lupa sa gilid ng bundok sa Barangay Kimadzil. Nasira ang mga bahay nila.
Sinabi ni Crisanto Abendan, ng Malapag in Carmen, na nanonood ang kanyang pamilya ng telebisyon nang lumindol.
“We felt slight dizziness when me and my son stood up to run outside the house,” ani Abendan. “The quake lasted about a minute.”
Sinabi ni Abendan na nagkaroon ng bahagyang landslide nang magliwanag sa Sayre highway.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang dalawang aftershocks noong alas-11:45 ng gabi at alas-7:58 ng unmaga kahapon.
Naitala ang Intensity 4 sa President Roxas at Midsayap, North Cotabato at Tacurong City; Intensity 3 sa Ozamiz City, Cotabato City, Tampakan, SouthCotabato, Makilala at Magpet sa North Cotabato; Intensity 2 sa Mlang at Tulunan sa North Cotabato; Camiguin Island, Gen. Santos City, Malaybalay City, Misamis Oriental, Padada, Davao del Sur at Intensity 1 sa Dipolog City.
Sa mga lugar na naitala ang Intensities 2, 4 at 1, hindi na naramdaman ang lindol pero gumalaw ang nakabiting mga gamit.
Tinataya pa ng mga miyembro ng provincial disaster risk reduction management council ang pinsala sa iba pang mga lugar.
Ayon sa mga opisyal, ang Sayre highway ay madadaanan lamang ng light vehicles. —Inquirer, Leifbilly Begas, John Roson
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.