Pitong kawal ng Marines, kabilang ang dalawang opisyal, ang nasugatan nang maaksidente ang sinakyan nilang pick-up sa Zamboanga City Miyerkules ng gabi, ayon sa pulisya.
Sugatan ang driver na si Sgt. Milmar Martin, at mga sakay niyang sina Capt. Rando Basubas, Capt. Shirly Bacus, Msgt. Primo Moreno, Msgt. Diosdado Botardo, Msgt. Jupiter Basillo, Tsgt. Erwin Senora, at Sgt. Cierliskie Enriquez, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Pawang mga nakatalaga ang walo sa Service Support Battalion na nakabase sa headquarters ng Western Mindanao Command sa lungsod, ayon sa ulat.
Naganap ang insidente dakong alas-8:30, sa bahagi ng Maria Clara Lorenzo Lobregat Highway na sakop ng Brgy. Cabaluay.
Minamaneho ni Martin ang Mitsubishi L200 pick-up (TTY-246) nang ito’y mag-swerve sa kanan at sumalpok sa mga parte ng trailer truck sa gilid ng daan, ayon sa ulat.
Dinala ang mga sugatang kawal sa Camp Navarro General Hospital para malunasan, habang ang kanilang sasakya’y nagtamo ng matinding pinsala.
Lumabas sa imbestigasyon na pumasok sa lane ng L200 ang isa pang sasakyan mula sa kabilang direksyon, kaya kinabig ni Martin pakanan ang pick-up para makaiwas.
Madilim din ang naturang lugar at di tama ang pagkalagay ng traffic signage doon, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending