John Lloyd: Sabi ng nanay ko kahit di na mag-asawa…basta may baby!
INAMIN ng Box-Office King at ultimate leading man na si John Lloyd Cruz na naiinggit din siya kay Toni Gonzaga ngayong happy wife na ito at proud mommy na rin sa panganay nila ni direk Paul Soriano.
Sa 3rd anniversary presscon ng weekly comedy show nilang Home Sweetie Home sa ABS-CBN, diretsong sinabi ni Lloydie na naiisip na rin niyang mag-asawa at magkaanak.
Gumaganap na mag-asawa sina John Lloyd at Toni sa Home Sweetie Home at ngayong ikatlong taon na nila sa ere, meron na rin silang anak kaya mas magiging challenging para sa dalawa ang kanilang mga karakter sa programa na patuloy pa ring humahataw sa ratings game.
Tinanong si JLC kung may plano na rin ba siyang lumagay sa tahimik dahil halos lahat ng mga kasabayan niya sa showbiz ay nag-settle down na.
“Siyempre, sana, dahil hindi na rin tayo bumabata. And siyempre on a regular basis napagmamasdan mo ang buhay ng kagaya ni Toni, kaya napakaimposible na hindi ka mapaisip at mainggit paminsan-minsan,” aniya.
Kahit nga raw ang nanay ni John Lloyd ay atat na atat nang magkaapo, kahit na raw hindi na siya mag-asawa basta meron lang siyang baby. Natatawa nga raw si JLC kapag nagbibiruan sila ng kanyang mommy.
“Medyo may kaunting pressure, especially kung ‘yong nanay mo nagpaparinig na sa iyo. Siyempre medyo tumatanda na rin ‘yong nanay ko, and sigurado ako gusto niyang magkaroon ng apo galing sa akin.
“Umabot na rin sa punto na sinabihan na niya ako na kahit huwag ka na lang mag-asawa kung ayaw mo, kahit mag-anak ka na lang muna,” aniya.
Pero siyempre, mas gusto pa rin ni JLC ang magkaroon ng asawa na siyang magiging ina ng kanyang mga anak.
“Kahit ganito ako, medyo may pagka-ideal pa rin ako. Sana magkaroon ng partner, maging asawa, at magkaroon ng pamilya,” aniya.
Sa ngayon, habang hinihintay niya ang kanyang “forever”, itutuloy muna niya ang kanyang advocacy – ang paggawa ng makabuluhang pelikula na makapagdadala ng honor and pride sa bansa, tulad ng “Ang Babaeng Humayo” ni Lav Diaz with Charo Santos na nanalo ng Golden Lion sa 73rd Venice Film Festival.
q q q
Speaking of Home Sweetie Home, simula nang magkaligawan, ikasal, hanggang sa nagkaroon ng unang baby, naging bahagi na ng pamilyang Pilipino sa loob ng tatlong taon sina Romeo (John Lloyd), Julie (Toni).
Linggo-linggo ay nagsisilbing gabay ang programa sa mga mag-asawa dahil sa ipinapamalas nitong mga aral kabilang na ang iba’t ibang pinagdaraanan ng mga couple na nagsisimula pa lang magsama at bumuo ng pamilya.
“Si Romeo medyo pilyo pero siya yung character na nasusubaybayan, napapanood linggo-linggo at parang tumatayo sa paninindigan at prinsipyo. Siyempre may mga manonood tayo na mas nakababata kay Romeo kaya maganda na may naiiwan siyang magandang halimbawa. Hindi iyong parang after niyo manood wala na, importante iyong may napapaabot tayo na example or aral,” ani John Lloyd.
“Personally importante sa akin iyong content. Importante kung ano ba ang kinukuwento namin. Hindi lang ito dahil sa ratings. May conscious effort talaga kami dito na mag-collaborate lalo na sa mas mga bata naming mga kasama,” sabi pa niya.
Samantala, masaya naman si Toni na na-extend nang na-extend ang Home Sweetie Home na para sa kanya ay pinakamagaang gawing trabaho.
Bagamat aminado ang ultimate multimedia star na nahirapan siya noong una sa pagganap sa papel na may-asawa, ngayon ay mas kumportable na siya bilang Julie at mas madali ng nakakarelate sa karakter kaugnay ng mga personal din na nangyari sa kanyang buhay.
Sa pagpapatuloy ng kwento nina Romeo at Julie, ano pa kaya ang mga hamon na haharapin nila? Kasama rin sa Home Sweetie Home sina Sandy Andolong, Miles Ocampo, Clarence Delgado, Ogie Diaz, Ellen Adarna, Bearwin Meily, Paul Sy, Jobert Austria, Mitoy Yonting, Nonong Ballinan at Magda Alovera.
Ang Home Sweetie Home ay nilikha ng creative team ng programa at idinirek ni Bobot Mortiz at napapanood tuwing Sabado, 6:30 p.m., after TV Patrol Weekend.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.