Magkakaroon ng pagkakataon si PBA veteran Gary David na muling irepresenta ang bansa matapos pumirma sa Mighty Sports para sa napipintong 2017 Dubai Invitational Tournament.
Nakuha ng 38-anyos ang go signal mula sa kanyang koponan na Mahindra noong Biyernes upang makapaglaro sa nasabing torneo na hahataw mula ika-18 hanggang ika-25 ng Pebrero.
Makakasama niya ang isa pang beterano at two-time PBA Most Valuable Player na si Willie Miller pati na sina TY Tang, collegiate stars Kiefer Ravena, Jeron Teng at Jett Manuel para sa Mighty.
Magsisilbi namang import sina dating NBA center Hasheem Thabeet at dating Ginebra import Justin Brownlee.
Matatandaang isang beses lang nakita si David para sa Mahindra ngayong Philippine Cup at nailagay pa sa reserve list ng Floodbuster matapos magtamo ng knee injury dahilan para hindi makapaglaro sa nakalipas na dalawang buwan.
Inaasahang pagkatapos ng kumpetisyon sa Dubai ay magbabalik si David sa Mahindra upang tulungan ang koponan na makabawi sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kasunod ng maagang pagkakatalsik nito sa dinadaos na Philippine Cup.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.