Miss France nag-ala Pia Wurtzbach muna bago makuha ang korona sa Miss Universe
NANGABOG agad si Miss Kenya nang unang tawagin ang bansa niya sa Top 9 finalist ng Miss Universe 2016 coronation kahapon na ginanap sa MOA Arena.
Habang tumatakbo ang seremonyas, patuloy siyang nagustuhan ng audience lalo na’t bentang-benta ang kanyang mga sagot.
Pero mukhang nataranta si Miss Kenya Mary Esther Were sa tanong sa kanya nang pumasok sa Top 6. Tungkol ito sa pagkapanalo ni Donald Trump bilang bagong presidente ng Amerika. Kaya laglag siya at hindi pumasok sa Final 3.
Ang naging consistent ay si Miss Haiti Raquel Pélissier. Dehado siya mula sa Top 9. Pero nang mapasok sa Final 3 at naiugnay niya ang lindol sa Haiti sa final question, marami ang nag-predict na siya ang tatanghaling Miss U 2016.
‘Yun nga lang, tinalo si Miss Haiti ng Miss France na si Iris Mittanaere. After 54 years, ngayon lang nasungkit muli ng bansa ang titulo. Third world country versus a powerful country, lamang ang bansang France siyempre, huh!
Sa interview kay Iris, inihayag niyang masaya na siya nang pumasok sa Top 9, Top 6 at Final 3. At least daw, may puwesto na siya.
Sa panalo ng bagong Miss U, mamahalin na raw ng Europe ang pagsali sa Miss Universe, huh! Ang edukasyon ng mga bata ang palalawigin niya lalo na’t meron din daw siyang school sa France para sa mga bata.
Isang dentistry student si Iris. Ga-graduate na siya. Gaya ni Pia Wurtzbach, sa unang salang niya sa beauty contest, hindi siya pumasok. Pinursigihan niya ang pangarap niyang maging Miss Universe at hindi naman siya nabigo.
May language barrier man, hindi naging hadlang ito upang makamit ng France ang titulong Miss Universe 2016.
Mabilis ang pacing at nakaaaliw ang hosting ni Steve Harvey. Kuwela ang sagutan nila ni Pia nang alalahanin ang nakaraang sitwasyon ng 2015 Miss Universe. So upang hindi magkamali sa babasahin, isang makapal na salamin ang inabot ni Pia kay Steve sa announcement ng runner up at Miss Universe!
Dismayado nga lang si Miss Colombia nang tawagin siyang second runner up. Pagdating naman sa pambato nating si Maxine Medina, batiin na lang natin siya at ipagmalaki dahil at least nakapasok siya sa Top 6 ng pageant.
Suntok sa buwan naman kasi ang ambisyon ng lahat na magkaroon ng back to back Miss Universe ang Pinas, huh! Iba pa rin kasi ang ganda at talino ni Pia!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.