wish ng mga beki: Christian gawing bida sa ‘Patayin sa Sindak si Barbs!’
BONGGA kung pakikinggan ng Regal Entertainment at nina direk Jun Lana at Perci Intalan ang request ng madlang pipol na gumawa ng part 2 ng “Die Beautiful”.
Ang suggestion ng netizens, ang gumanap na BFF at Bes ni Paolo Ballesteros sa “Die Beautiful” na si Christian Bables (bilang si Barbs) ang gawing bida sa part 2.
Ayon kay Christian nang makachihan namin after niyang pumirma ng 4-movie exclusive contract sa Regal Films nina Mother Lily Monteverde at Roselle Teo, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na marami na ang nakakakilala at sumusuporta sa kanya, kabilang na nga riyan ang LGBT community.
“Nakakatuwa nga kasi ang dami kong nababasa sa social media, gusto nila magka-part 2 ang ‘Die Beautiful’, tapos ang title ‘Patayin Sa Sindak Si Barbs’, si Trisha (Paolo) yung magmumulto sa akin.
Sabi ko why not, kung interesado pa sina direk Jun at direk Perci, di ba? Ang saya siguro nu’n!” ang pahayag ni Christian na feeling blessed nga dahil isa na siyang certified Regal baby ngayon.
Puring-puri pa rin ang binata nina Mother Lily at Ms. Roselle at marami raw silang plano para mas maipakita ni Christian ang kanyang pagiging magaling na aktor. “We believe in his talent. He’s not only good but very, very good and natural actor!” ayon kay Mother.
After niyang magpakitang-gilas at manalo ng Best Supporting Actor sa 2016 Metro MMFF para sa “Die Beautiful” nagsunud-sunod na ang pagdating ng mga bagong opportunities para sa kanya. Bukod sa pagiging Regal baby, kinuha na rin siya ng GMA 7 para magbida sa isang episode ng Magpakailanman ni Mel Tiangco.
Sisimulan na rin niya very soon ang launching film niya na ididirek naman ni Chito Roño kung saan gagampanan niya ang karakter ng isang lalaking probinsyano na punumpuno ng hugot sa buhay.
Inamin din sa amin ni Christian na hindi naging madali para sa kanya ang maka-penetrate sa mainstream showbiz dahil talagang grabe rin ang pinagdaanan niya. Bukod sa napakaraming audition, nag-apply din siya sa Star Magic pero hindi nakapasa.
“Ilang beses din pero laging hindi nakukuha. Pero doon ko po napatunayan na may kanya-kanya talaga ta-yong panahon at may kanya-kanyang path. Noong hindi ako natatanggap sa Star Magic, sabi ko, parang walang may gusto sa akin, parang ayaw nila akong lahat. And very thankful ako kina Mother Lily, kay Ms. Roselle, kina direk Jun at direk Perci dahil sila ang naging daan para kahit paano mapansin din ako,” sey pa ni Barbs.
And take note, parehong may offer si Christian sa GMA at ABS-CBN at pinag-iisipan pa raw nila kung ano ang tatanggapin, “Maganda po pareho ang offer kaya talagang pinag-iisipan pa po naming mabuti.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.