BAGO ang ipinatawag na meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mayors kamakalawa sa Malacanang ay paulit-ulit umanong tinawagan ng isang sikat na local executive ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Gusto ng nasabing alkalde na tiyakin na hindi siya kasama sa tinaguring narco-mayors ni Pangulong Duterte.
Sinabi ng ating Cricket na halatang takot na takot si Mr. Mayor dahil baka hindi na raw siya makalabas pa ngMalacanang at baka sa kulungan na siya itapon.
Kung dati ay ilang buwang nagbakasyon sa Estados Unidos ang ating bida dahil sa takot sa inilunsad na anti-drug campaign ng pamahalaan, ngayon ay hindi na niya nagawa pang magpalamig sa abroad dahil tiyak na mabibisto ang kanyang pag-alis kung sakali man.
Ayon pa sa ating Cricket, lately raw ay naging madalas ang pakikipagpulong ni Mayor sa kanyang mga barangay leaders.
Halatang naghahanap ng kakampi ang opisyal sakaling ihayag ng Pangulo ang kanyang involvement sa droga.
Gagamitin umano niya ang mga barangay officials sa kanyang mga rally sakaling masuspinde siya sa kanyang pwesto sa sandaling isangkot na nga siya sa droga.
Ang mga ito raw ang hihila ng suporta mula sa mga barangay para magkaroon ng barikada sa harapan ng kanilang city hall.
Ganun kabilis mag-isip ng plano ang ating bida kaya malaki ang hinala ng ating Cricket na talagang sabit nga ito sa illegal drugs.
Nang dumating ang mismong araw ng pulong sa Pangulo ay no-show si Mayor.
Nagsabi raw ito na masama ang kanyang pakiramdam at meron siyang trangkaso kaya hindi nakapunta sa ipinatawag na pulong sa Malacanang.
Kung ngayon ay nakalusot siya sa pakikipagharap sa Pangulo, sinabi ng ating Cricket na time will come at magkakabistuhan din kung sino talaga ang mga local officials na sabit sa droga.
Minsan nang naging laman ng balita ang lungsod ni Mayor makaraang salakayin sa kanyang teritoryo ang isang malaking bentahan ng shabu.
Ang mayor na no-show sa Malacanang dahil sa matinding takot sa pangulo ay si Mr. R…as in Ruby.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.