Direktor ng ‘Mang Kepweng’ 2 beses nag-propose ng kasal, 2 beses ding nabigo
SA TUWING magkikita kami ni Direk GB Sampedro ay iisa ang bati namin sa kanya, “Kailan ka mag-aasawa?” na tatawanan lang ng 40-year-old filmmaker.
Noong 35 years old palang si direk GB ay nabanggit niyang mag-aasawa siya sa edad na 38 para naman daw pag nagkaroon pa sila ng anak ng mapapangasawa niya ay kaya pa niyang makipaghabulan.
Dalawang beses nang nag-alok ng kasal si direk GB, una kay Candy Pangilinan at sumunod kay Daiana Menezes na ayaw na niyang pag-usapan pa.
Noong grand presscon ng “Mang Kepweng Returns” na pagbibidahan ni Vhong Navarro na mapapanood na sa Enero 4 (produced ng Cineko Production) ay ang pag-aasawa ulit ang tanong namin kay direk GB, “Wala, mahirap nang magkamali pa, sa edad kong 40,” ang sagot niya sa amin.
Hindi naman itinangging choosy na ngayon si direk GB kasi nga, “Oo, bawal nang magkamali pa.”
Biniro namin siya na single na ulit ang ex-girlfriend niyang si Daiana (hiwalay na rin sa asawa), “Hindi ko alam. Hindi pa kami nagkikita mula noong naghiwalay kami,” seryosong sabi sa amin.
Sa madaling salita, bad break-up sina direk GB at Daiana, “Wala namang hiwalayang maayos talaga as in 100% okay, kumbaga siguro kailangan lang ng tamang timing para magkausap kami, kung may natitirang sama ng loob o ano, maayos.”
Pero hindi na raw umaasa si direk GB na magkakabalikan sila at sa tanong namin kung may prospect na siya, “Hindi ko iniisip ang prospect-prospect. Kusa na lang darating ‘yan,” katwiran niya.
Aminado si direk GB na handang-handa na siyang mag-asawa, “Matagal na akong ready to settle down, asawa na lang ang kulang.”
Samantala, bisi-bisihan si direk GB sa mga concert at event niya sa PAGCOR kaya maski na nawala siya sa TV5 ay hindi naman siya nawawalan ng raket. At heto nga, napili siyang magdirek ng “Mang Kepweng Returns” starring Vhong Navarro.
First time niyang nagdirek ng comedy film pero hindi raw siya nahirapan dahil makulit din siya sa tunay na buhay, “So far okay naman lahat, na-enjoy ko naman itong Mang Kepweng, kasi challenge, bagong materyales.”
Dugtong pa ng direktor, “Itong Mang Kepweng, actually, nag-brainstorming muna kami ng Cineko kung anong gusto nila, tinanong nila ako kung gusto kong mag-Mang Kepweng, sabi ko agad, ‘Oo naman, history ng Philippine Cinema ang Mang Kepweng, kinalakihan ko ‘yan.'”
Paano naman ibebenta nina direk GB ang “Mang Kepweng” sa mga millennials? “Oo hindi nga kasi 70’s kasi going 80’s si Mang Kepweng, kaya hindi nila naabutan. Kaya ito ang tamang panahon na ma-kilala nila si Mang Kepweng at magbalik-tanaw sila at tatanu-ngin nila sa magulang nila kung sino si Chiquito, magandang point of discussion ito,” ani direk GB.
Pambata ang “Mang Kepweng” lalo’t si Vhong pa ang bida na mas maraming fans na bata kaya tinanong namin si direk kung ano ang naramdaman niya nu’ng hindi napili ang pelikula sa 2016 Metro Manila Film Festival.
“Actually, nanghinayang, sayang ‘yung opportunity na hindi nakasama sa MMFF, para sa akin kasi kailangan mong tanggapin ang sitwasyon, pero hindi naman sumama ang loob ko, iginagalang ko ang desisyon ng mga jury, desisyon nila.
“May mga taong kakilala rin sa MMFF, kaya I understand kung ano ‘yung gusto nilang mangyari,” pahayag ng direktor.
Sa tanong na pawang qua-lity films ang napili sa filmfest, sang-ayon ba si direk GB dito, “Siguro para sa panlasa nila (jury), ‘yun ang quality films. Pag sinabing quality films para sa isang tao, e, hindi naman quality film din para sa akin o para sa iyo. Kumbaga kanya-kanyang pananaw ‘yan.
“Kung hindi nila nagustuhan ang pelikula namin, I hope ‘yung mas nakararami ang magkagusto sa Mang Kepweng,” aniya pa.
Samantala, line producer din si direk GB sa “Mang Kepweng” bukod sa pagiging direktor kaya naman nagpapasalamat siya sa Cineko Production dahil pinagkatiwalaan siya.
Ang iba pang kasama ni Vhong sa “Mang Kepweng” ay sina Jaclyn Jose, Kim Domi-ngo, Louise de los Reyes, Sunshine Cruz, Juancho Trivino, James Blanco, Pen Medina, Valeen Montenegro, Jhong Hilario, Jackie Rice, Jobert Austria, Balang, Josh de Guzman, Chun Sa, Tuko, Gerhard Acao at marami pang iba. Showing na ito sa Enero 4, 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.