Marcelino sumuko | Bandera

Marcelino sumuko

John Roson - January 03, 2017 - 05:53 PM
Ferdinand-Marcelino Sumuko si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa Armed Forces kahapon, ilang araw matapos ipaaresto ng korte para sa kasong may kinalaman sa iligal na droga. Boluntaryong nagtungo si Marcelino sa tanggapan ng AFP provost marshall alas-12 ng tanghali para sumuko, sabi ni Col. Edgard Arevalo, hepe ng AFP public affairs office. Matapos sumuko si Marcelino ay kinunan ito ng militar ng fingerprints, physical examination, at mug shots para maditine sa AFP custodial center. “And then we are filing a petition for custody before the courts para nasa amin, sa AFP muna, ang custody [ni Marcelino],” ani Arevalo. Matatandaang nakalaya si Marcelino sa kustodiya ng pulisya noong Hunyo 3, 2016 matapos magpiyansa. Pero nito lang Disyembre ay naglabas ang korte sa Maynila ng arrest order laban sa Marine officer, na dating nakilala para sa pagiging tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency. Nag-ugat ang kaso sa pagkakahuli kay Marcelino at sa isang Chinese national sa raid ng PDEA at pulisya sa isang “shabu laboratory” sa Sta. Cruz, Maynila, noong Enero 21, 2016. Nasamsam sa laboratoryo ang mahigit P300 milyon halaga ng shabu at mga kemikal at kagamitang panggawa ng iligal na droga. Hindi na bahagi ng PDEA si Marcelino nang isagawa ang raid, pero sinabi ng Marine officer na nagtungo siya sa umano’y shabu lab para beripikahin ang tip na mayroong kumikilos na sindikato ng droga doon. Naging kontrobersyal ang pagdakip dahil si Marcelino ay dating pinuno ng PDEA-Special Enforcement Service at ang Chinese national niyang kasama’y dating interpreter ng ahensiya. Kabilang si Marcelino sa mga nakadakip sa tinaguriang “Alabang Boys,” na isang grupo ng kalalakihang nakatira sa Ayala Alabang Village at nagbebenta umano ng iligal na droga, noong 2008. Itinalaga si Marcelino bilang superintendent ng Navy Officer Candidate School sa Naval Education and Training Command sa Zambales ilang araw bago siya nadakip sa Maynila.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending