Mahindra Floodbuster ginapi ang Blackwater Elite sa OT
Mga Laro sa Miyerkules
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Globalport vs Phoenix Petroleum
7 p.m. Meralco vs San Miguel Beer
TINAPOS ng Mahindra Floodbuster ang 5-game losing streak matapos na talunin ang Blackwater Elite sa overtime, 97-93, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup Christmas Day game Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nagawang makabangon ng Floodbuster sa pangunguna ni Alex Mallari na kinamada ang 13 sa kanyang career-high tying 23 puntos sa ikaapat na yugto at overtime para tulungan ang Mahindra na makuha ang unang panalo matapos ang anim na laro. Nagtala rin si Mallari ng 11 rebounds at tatlong steals sa kanilang pagwawagi.
“I give so much credit to my players’ heart and I looked at these guys’ eyes and told them to keep believing, and we were able to find that right combination to finish that game,” sabi ni Mahindra coach Chris Gavina.
Nagsagawa ng pagbangon ang Floodbuster matapos maghabol buhat sa 15 puntos, 79-64, may 7:50 ang nalalabi sa ikaapat na yugto. Naghulog ang Floodbuster ng 19-4 ratsada at muntikan din silang magwagi sa regulation kung naipasok nina Nico Elorde at Nico Salva ang kanilang tira bago tumunog ang buzzer.
Subalit nag-iba ang takbo ng laro pagdating ng overtime kung saan bumitaw si Ryan Arana ng 3-pointer at uminit si Mallari para tulungan ang Mahindra na itaguyod ang limang puntos na bentahe, 90-85, may 43 segundo ang nalalabi sa laban.
Pinaangat pa ito ni Arana sa pitong puntos, 92-85, bago sumagot sina Nard Pinto at Roi Sumang para makalapit ang Elite at tapyasin ang kalamangan sa dalawang puntos 95-93, may 1.1 segundo ang natitira sa laro.
Subalit huli na rin ang lahat dapat sinelyuhan ni Arana ang panalo ng Floodbuster sa paghulog ng dalawang free throws.
Si Arana ay nagdagdag ng 19 puntos at anim na rebounds habang si Salva ay nag-ambag ng 14 puntos at apat na rebounds.
Gumawa si Art dela Cruz ng 18 puntos, anim na rebounds at apat na steals para pangunahan ang Elite, na nahulog sa 4-3 kartada.
Si Pinto ay tumipa ng 15 puntos, pitong assists at limang rebounds habang si Mac Belo ay may 14 puntos at siyam na rebounds.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.