Richard bibida sa ‘Mamasapano SAF44 Untold Story’ ni Carlo Caparas
GUSTO naming mapanood ang “Miracles Are Forever”, ang pelikulang idinirek ni Direk Carlo J. Caparas na hinati sa tatlong bahagi, ang tatlong kuwento ay hango sa libro ng mga milagro ng El Shaddai.
Pumayag ang tagapamuno ng El Shaddai na si Brother Mike Velarde kina Direk Carlo at Tita Donna Villa na maisapelikula ang tatlong magagandang istorya para patunayan sa publiko na nagaganap ang mga milagro sa ating buhay.
Sa isang episode ay nagpakitang-gilas sina Yassi Pressman at Mark Neumann, sa isa pang bahagi ay si Assunta de Rossi naman ang nagpamalas ng galing sa pag-arte, pero sa tatlong episode ng “Miracles Are Forever” ay mas nakapang-iimbitang manood ang kuwento ng “Mamasapano SAF44 Untold Story” na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez.
Bukod kina John Arcilla at Sid Lucero ay nakasasabik panoorin ang mga anak na aktor ng mga personalidad na meron nang napatunayan. Si Raf Fernandez ni Daboy, si Gabriel de Leon ni Christopher, si Elvis Gutierrez ni Tito Eddie at si CJ Caparas ni Direk Carlo.
Nasusubaybayan namin ang mga pagtitipon ng El Shaddai sa telebisyon. Nararamdaman namin ang matinding pananampalataya ng mga miyembro ng grupo ni Brother Mike na nagwawagayway ng panyong puti at nagsasahod ng payong nang pabaligtad para sa biyayang gusto nilang matanggap, gusto naming mapanood ‘yun ngayon sa malaking telon.
Bukod sa magagaling na artistang kinuha nina Direk Carlo at Tita Donna para sa trilogy ay gusto uli naming maramdaman ang walang makakukuwestiyong husay sa pagsusulat ng istorya ni Direk Carlo J. Caparas na nagsimula sa mga komiks, na pagkatapos ay naging pelikula na, kaya kanyang-kanya lang ang titulong Komiks King.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.