Arlyn dela Cruz nadamay sa ipinataw na parusa ng PAMI kay Baron
UNA nang nagdesisyon ang PAMI, samahan-organisasyon ng mga managers ng mga artista at singers, sa pagpapataw ng leksiyon at parusa sa ginawang pang-iihi ni Baron Geisler kay Ping Medina.
Pagkatapos nang masusing pag-aaral at pagbabalanse sa reklamo ni Ping ay nauwi ang lahat ng mga opisyales at miyembro ng PAMI sa isang desisyon na hindi na pagtatrabahuhin sa anumang proyekto ang kanilang mga alaga kapag kasama si Baron.
Pati ang kanilang direktor na si Arlyn dela Cruz ay nasama sa naging desisyon ng PAMI, hindi rin nila papayagang magtrabaho ang kanilang mga artista kapag ang nasabing direktor ang mamamahala sa proyekto, dahil sa naging kapabayaan nito para maiwasan ang insidente sa pagitan nina Baron at Ping.
Nakikiisa kami sa PAMI sa kanilang resolusyon, napapanahon na talaga para mabigyan ng leksiyon si Baron Geisler, siguradong kaisa rin ng organisasyon ang buong bayan sa pagbibigay ng kaukulang parusa sa aktor na matagal nang nagmamalabis at hindi umaayon sa kagandahang-asal ang pag-uugali.
Karapat-dapat lang ang ipinataw nilang aksiyon laban kay Baron Geisler, walang kokontra sa kanilang ginawa, kinalos lang nila ang salop na punumpuno na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.