TUWING magsisimula ang isang bagong season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), ang tanong ay “Magkikita ba sa Finals ang magkaribal na La Salle Green Archers at Ateneo Blue Eagles?”
Iyon naman kasi ang tinaguriang Dream Match ng torneo, e.
E, sa dalawang pagkakataong magkikita ang La Salle at Ateneo sa elimination round ay tiyak na puno ang venue.
Elimination round pa lang iyon ha. Paano pa kung championship round na?
Aba’y magpipiyesta ang mga scalper kahit pa bawal ang gawaing ito. Magkakaubusan ng tickets at pahirapan ang pagpila.
Kahit ang mga sports editor at sportswriter ay makikipagsiksikan upang makapasok sa venue at mapanood ang duwelong ito.
Pero kung ibang mga eskwelahan ang magkikita sa Finals, aba’y napakadaling bumili ng ticket.
So, ito na naman ang problema ng mga adik sa collegiate basketball mamaya dahil sa ang La Salle at Ateneo nga ang siyang magkikita sa best-of-three Finals.
Mas madaling umabot sa Finals ang Green Archers dahil sa isang game lang ang kinailangan nila kontra sa Adamson Soaring Falcons sa Final Four. Nagwagi sila, 69-64, sampung araw na ang nakalilipas. Kaya naman may nagsasabing baka kinalawang na sila sa paghihintay.
Dalawang games naman ang kinailangan ng Blue Eagles. Mabuti na lang at may twice-to-beat advantage sila dahil sa sumegunda sila sa elims.
Nasilat ng defending champion Far Eastern University Tamaraws ang Ateneo, 62-61, sa Game One. Nakabawi ang Ateneo, 69-68, sa overtime sa Game Two. Nagbida para sa Blue Eagles si Isaac Go na gumawa ng winning basket.
Laban sa isa’t isa sa elims ay 1-all ang karta ng Green Archers at Blue Eagles.
Dinurog ng La Salle ang Ateneo, 97-81, noong Oktubre 2. Sa larong iyon ay gumawa ng 28 puntos si Ben Mbala. Hindi naman nakapaglaro noon si Jeron Teng.
Nagwagi ang Ateneo, 83-71, noong Nobyembre 5. Iyon ang tanging pagkatalo ng La Salle sa torneo. Sa larong iyon ay pinamunuan ni Aaron Black ang Blue Eagles nang may 16 puntos. Si Black ay nagbalik sa aksyon matapos na magmintis ng ilang laro bunga ng kapansanan sa paa.
Ayon kay Ateneo coach Tab Baldwin ay dehado sila sa La Salle. Pero nanggigigil nga ang Green Archers na makaganti sa Blue Eagles. Sayang nga naman sana ang sweep na puwede nilang maitala.
Kung nagawa ng Blue Eagles na pataubin ang Green Archers noon puwede namang maulit e.
Pero siyempre, natuto na ang Green Archers at hindi na sila magpapabayang muli.
Siyempre, marami ang gumagawa ng kani-kanilang analysis at speculations at nagtatanong kung sino ang tunay na llamado.
Pero ang talagang tanong ay: May ticket pa ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.