Veteran actress nabawasan ang trabaho dahil sa sumpong
DUMALANG ang proyekto ng isang may edad nang aktres sa isang malaking network. Dati’y magaganda ang proyektong ibinibigay sa kanya, nakikipag-agawan siya ng atensiyon sa mga bumibida, pero biglang nawala ‘yun.
May mga nag-iisip na baka kasi hindi na niya kinakaya ang matagalang taping, baka naman pinagbabawalan na siya ng kanyang mga anak at doktor na magdamagang pagpupuyat, kaya ganu’n.
May mga nagsasabi rin na wala naman kasing magandang proyektong bagay sa kanya, sayang daw ang nagkakaedad nang aktres kung patakbuhing role lang naman ang ibibigay sa kanya, kaya kailangang maghintay ang aktres ng magagandang proyekto.
Pero may ibang kuwento ang mga miron, may dahilan kuno kung bakit bihira na lang mapanood sa nasabing istasyon ang nagkakaedad nang aktres, heto ang kuwento ng isang source.
“Kasi naman, may mga mood swings ang lola n’yo. May mga panahong hindi man lang niya kinikibo kahit ang pinaka-boss ng production. Parang wala lang, wala siyang keber, hindi siya namamansin!
“Minsan naman, hindi siya mapakali, madaldal siyang masyado, kinukulit niya ang lahat ng nasa set, wala siyang kapaguran! Matindi ang tantrums niya, mahirap siyang pakisamahan,” kuwento ng impormante.
Palaging pinagkukuwentuhan ng kanyang mga kapwa artista ang nagkakaedad nang personalidad dahil sa pagbabagu-bago ng kanyang mood.
Chika uli ng source, “Kaya pinakikiramdaman muna ng mga tao sa set kung ano ang mood niya. Kung meron siyang sumpong, di okey lang, walang kumikibo sa kanya.
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, magaling kung sa magaling ang lola n’yo, pero kung ganu’n namang sumpungera siya, like n’yo pa kaya siya?” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.