WILLIE: Hindi biro ang sakit ko, ilang beses na akong naospital!
Bawal na kasing matensiyon at ma-stress
Ngayon ay malinaw na ang kuwento. Siguro naman ay titigil na ang mga bulung-bulungan diyan tungkol sa pagtatapos ng programa ni Willie Revillame sa darating na October 15 sa TV5.
Kung ano-ano kasing kuwento ang naglalabasan, merong nagpapalutang ng istorya na humihingi raw nang ninety million si Wilie sa network para sa buwanan niyang serbisyo bilang host ng Wowowillie, meron ding nagpalabs ng kuwento na hindi na raw siya ire-renew pa ng TV5.
Ngayon ay lumabas na rin ang katotohanan na nu’ng nakaraang May 17 pa pala, nu’ng nakaraang Biyernes pa, ay nagpadala na ng sulat ng pamamaalam si Willie sa network sa pamamagitan ng Chairman of The Board na si Mr. Manny V. Pangilinan at sa presidente ng network na si Attorney Ray C. Espinosa.
Isang sulat na punumpuno ng pasasalamat sa pamunuan ng TV5 ang ipinadala ni Willie, nilalaman ng sulat ang kagustuhan niyang makapagpahinga muna sa showbiz, dahil sa estado ng kanyang kalusugan.
Nu’ng isang madaling-araw ay seryoso kaming nag-usap ni Willie sa telepono.
Habang nagsasalita siya ay ramdam namin ang lungkot, pero sa kabila nu’n ay ang tagong kaligayahan dahil kapag huminto muna siya sa pagtatrabaho sa telebisyon ay maaangkin na niya ang kanyang oras, magkakaroon siya ng panahong makapamahinga.
“Nu’n ko pa naman sinasabi na kailangan ko talaga ng panahon para sa sarili ko.
Hindi biro ang sakit ko, ilang beses na akong naospital nu’n, sa puso ang sakit ko.
“Mabuti nga at naagapan pa, hindi ako nag-undergo ng angioplasty, pero nandu’n na ako sa point na kapag matensiyon pa ako at na-stress nang husto, du’n na talaga uuwi ang kundisyon ko.
“Mahal ko ang trabaho ko, sobrang mahal, pero kailangan ko rin munang mahalin ang sarili ko higit sa lahat. Iisa lang naman kasi ang buhay natin, isa lang talaga,” seryosong pahayag ng aktor-TV host.
Sabi nga, kung saan tayo maligaya ay dumuon tayo, tulad ng kaso ngayon ng minahal ng ating mga kababayan na si Willie Revillame.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.