‘Ano ang kahihinatnan sa takilya ng mga napiling pelikula sa 2016 MMFF?’
KUNG nawindang ang maraming kababayan nating kontra sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani nang palihim ay ganu’n din ang naramdaman ng mga taga-lokal na aliwan at industriya ng pelikulang Pilipino nang ilabas na ang walong pelikulang ipalalabas sa Metro Manila Film Festival.
Ang tanong ng mas nakararami, “Anyare?” “Cinex Films?” “Ano itey?” May katwiran ang katwiran dahil hindi nakapasok sa taunang MMFF ang mga pelikulang nakasanayan nang subaybayan ng mga batang manonood.
Sabi, ang Pasko raw ay para sa mga bata, kaya nga taun-taon ay gumagawa ng pelikulang pang-MMFF si Bossing Vic Sotto. Sumunod din sa aktor-TV host si Vice Ganda, gumagawa rin si Mother Lily Monteverde, ng iba-ibang klase ng pelikulang mula nu’n ay tinatangkilik naman ng ating mga kababayan, pero sa darating na MMFF ay walang nakapasok na isa mang pelikula mula sa kanila.
Nakapanghihinayang din ang pinaghirapang pelikula ng Cineko Productions, ang “Mang Kepweng Returns” ni Vhong Navarro, unang pagtatangka sana ito ng bagong produksiyon para makapasok sa MMFF.
Pambata ang pelikula ni Vhong, pero ewan kung ano ang naisip ng mga hurado ng MMFF, ang mas mahalaga raw ngayon para sa kanila ay ang kalidad ng mga pelikulang lahok at hindi ang kikitain sa takilya.
Sige, sabay-sabay nating bantayan kung ano ang kahihinatnan ng taunang pestibal, tingnan natin kung ano ang magiging kapalaran ng mga pelikulang napili nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.