Kaso ni Aljur sa GMA tapos na; nag-sorry sa mga bossing ng Kapuso network
MULING nag-sorry si Aljur Abrenica sa mga bossing ng GMA 7 dahil sa pagsasampa niya noon ng kaso laban sa Kapuso Network na may kinalaman sa pagpapatakbo ng kanyang career.
Ayon sa hunk actor, matagal nang natapos ang nasabing kaso sa korte na nagsimula noong 2014 pero nais niyang humingi uli ng tawad sa mga nagawa niyang sablay noon at nagpapasalamat siya sa mga executives ng GMA dahil patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan ng istasyon sa kabila ng mga nangyari.
Sa nakaraang presscon para sa bagong episode ng kauna-unahang interactive program ng Siyete sa telebisyon, ang Usapang Real Love, kung saan bibida nga uli si Aljur opposite Janine Gutierrez, sinabi ng binata na maayos na ang relasyon niya ngayon sa mga bossing ng GMA.
“Well, it’s more on thankful, sa network, kasi sa kabila ng mga nangyari before, nabigyan nila ako ng project. Matagal na kaming nagkaayos ng network, iyon, just to clear things,” ani Aljur.
Sey pa ng binata, natapos ang kaso ilang buwan na ang nakararaan, kaya wala na siyang inaalalang legal battle ngayon. Nagkaroon daw ng amicable settlement sa korte, “Wala na, kalimutan na natin ang mga nangyari.”
“Actually, kahit ongoing yung kaso noon, binigyan pa rin nila ako ng project, yun ngang series namin ni Janine na Dangwa at Once Again. Tapos ngayon, ito ngang URL Presents Relationship Goals. So, nasabi ko na thankful ako, nag-apologize ako ulit,” paliwanag pa ni Aljur.
In fairness, mukhang swerte ang dala ng 2016 kay Aljur ha, bukod sa bonggang career ay makulay din ang kanyang lovelife ngayon dahil nagkabalikan na nga sila ni Kylie Padilla.
Samantala, magsisimula na ang URL Presents #RelationshipGoals nina Janine at Aljur sa Nov. 27, Linggo, sa direksyon ni Lem Lorca.
Ito’y kuwento nina Yapi (Janine) at Kiso (Aljur), dalawang young professionals na maglalaban para sa isang posisyon sa kanilang opisina. Si Yapi ay isang popular achiever mula sa North Office habang si Kiso ang sikat na sikat at crush ng bayan mula sa South Office.
Nang magkrus ang kanilang mga landas, agad silang na-attract sa isa’t isa at na-love at first sight.
Ngunit dahil sa pressure sa kanilang kumpanya at sa pagiging magkalaban sa promotion, lalabanan nila ang feelings nila para sa isa’t isa. Gagawin nila ang lahat para makuha ang inaasam nilang posisyon.
Hanggang saan at hanggang kailan nila kayang labanan ang kanilang nararamdaman para lang sa promosyon? Sino ang unang susuko at handang magparaya sa ngalan ng pag-ibig? Yan ang sasagutin ng ikatlong episode ng Usapang Real Love na magsisimula na sa susunod na Linggo sa GMA 7 lang.
Makakasama rin sa bagong kilig mini series na ito sina Sherilyn Reyes, Dennis Padilla, Maricel Morales, Mikoy Morales, Stephanie Sol, Bryan Benedict, Lovely Abella, Nicki B, Kai Atienza, Alyssa de Real at Kyle Vergara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.