Dingdong, Andrea paliligayahin ang mga Cebuano
SUSUGOD si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa Cebu ngayong Linggo, Oct. 23, para sa kauna-unahang regional show ng action-packed primetime series na Alyas Robin Hood.
Makakasama ni Dingdong ang isa sa kanyang mga leading lady sa serye na si Andrea Torres para sa isang mainit na Kapuso Mall Show sa Gaisano Grand Fiestamall sa Tabunok, Talisay, Cebu. Magsisimula ang nasabing mall show ganap na ika-4 ng hapon.
Tuluyan na ngang nabawi ng GMA ang korona bilang number one TV network sa buong bansa, ayon na rin sa pinagkakatiwalaang ratings service provider na Nielsen TV Audience Measurement. Isa sa mga highest-rating Kapuso program sa National Urban Philippines ang Alyas Robin Hood at kabilang din ang nasabing bagong teleserye sa 10 top-rating shows sa Urban Luzon.
Ang Alyas Robin Hood, na talaga namang naging hot topic bago pa man ito umere, ang comeback show ni Dingdong sa primetime TV. Sa serye, ginagampanan ni Dingdong ang karakter ni Pepe de Jesus na napagbintangan sa isang krimeng hindi niya ginawa.
Sa kanyang paghahanap ng katototohanan ay marami siyang matutulungan. Bukod sa aksyon, puno rin ng drama, adventure, at comedy ang seryeng naglalayong magturo ng aral na bawat isa ay maaaring maging bayani at makatulong sa kapwa.
Bukod kay Andrea, isa pa sa mga leading lady sa serye ni Dingdong si 2013 Miss World Megan Young. Kasama rin sa powerhouse cast sina 2016 Cannes Film Festival Best Actress Jaclyn Jose, seasoned actress Cherie Gil, award-winning actor Sid Lucero, at may natatanging pagganap pa ang multi-awarded actor na si Christopher de Leon.
Kabilang din sa Alyas Robin Hood sina Paolo Contis, Gary Estrada, Dennis Padilla, John Feir, Gio Alvarez, Lindsay de Vera, Dave Bornea, Caprice Cayetano, Ces Quesada at Rey “PJ” Abellana, sa direksyon ni Dominic Zapata, at napapanood gabi-gabi sa GMA Telebabad, pagkatapos ng Encantadia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.