Michael Pangilinan Pinoy version ni Adam Levine, tadtad din ng tattoo
MAGANDA ang takbo ng karera ng tinaguring Harana Prince at singing heartthrob ng Star Music na si Michael Pangilinan. Last year, tinanghal siya bilang runner-up sa Your Face Sounds Familiar Season 2 at naging isa sa interpreters ng 5th Best Song sa Himig Handog P-pop Love Songs 2016 titled “Parang Tayo Pero Hindi.”
Bukod diyan, sunud-sunod din ang kanyang live shows and gigs. Patuloy din ang pagtanggap ng papuri at milyun-milyung views para sa kanyang song covers online.
In fact, may napanood kami sa social media kung saan may isang DJ/host sa isang music blog na sobrang nagalingan sa pagkanta ni Michael ng “One Last Cry.”
Super kilig ang DJ habang pinapanood kumanta si Michael sabay sabi na gusto raw niyang pakasalan ang singer. Grabe siya, huh!
Anyway, isa na namang panibagong self-titled album ang handog ni Michael at ng Star Music para sa kanyang fans. In fairness, ang gaganda lahat ng mga kanta sa bagong album ni Michael. Halatang pinili at sinala nang maigi ang mga kanta.
Walang tapon, ika nga nila lalo na ang carrier single niyang “Hanggang Kailan.” Hindi pa man nalulunsad ang album ni Michael ay ginamit na agad na theme song sa primetime teleserye ng ABS-CBN na Magpahanggang Wakas ang “Hanggang Kailan.”
Una naming narinig ang “Hanggang Kailan” sa video ni Michael sa YouTube. Memorized agad namin ang chorus ng song dahil very catchy ang lyrics and melody.
Mas maraming kanta ang bagong album niya at may sarili rin siyang composition, ang “Tanging Ligaya Mo” na dini-dedicate raw niya sa kanyang pamilya.
“Na-inspire kami na gumawa na ng second album ko noong marinig namin nina Nanay (Jobert Sucaldito, his manager) ‘yung song ng Bread na ‘Everything I Own.’ Dedicated din pala ‘yung song para sa father katulad nu’ng ‘Dance With My Father’ na kasama sa una kong album. From that song, naghanap na kami ng ibang kanta na isasama for my second album,” kwento ni Michael.
Topless si Michael sa cover ng bago niyang album kaya kitang-kita ang porma ng kanyang katawan ngayon.
“Actually, hindi po dapat topless ‘yan. Nakita lang ng Star Music na, kasi naka-side view ako. Nakita nila, pangang-pa-nga. So, sabi nila, ‘Ahh, maganda na ang katawan nito.’ Naghabol ako ng gym. Kaya po ngayon nagustuhan ko (mag-gym), eto na siya, naging habit ko na,” sabi pa ng binata.
Hindi naman maiwasan na ikumpara si Michael sa popular foreign singer na si Adam Lavine dahil sa mga tattoo sa katawan niya na nasa cover ng album. Ayon kay Michael, kabilang sa tattoo niya ang kanyang birthday at isang Bible verse.
“For God said, honor your father and mother. Anyone who curses his father and mother will be put to death from Matthew 15:4,” esplika niya.
Hindi raw siya relihiyosong tao pero once in a while nagbabasa siya ng Bibliya.
And speaking of family, we asked him kung meron ba siyang ginawang kanta for his baby son na si Ezekiel. Incidentally, nag-10 months na si Ezekiel last Saturday.
“Ay! Ginagawa ko po ‘yun ngayon,” pagulat na sabi ni Michael. “Masarap po kasi ‘yung ano kapag inspired ka para sa anak mo, sulat ka lang ng kanta.”
Dasal ng puso ni Michael ay makasama niya si Ezekiel sa pagse-celebrate ng first birthday ng kanyang anak sa Dec.15.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin kasi siya pinapayagan na makita si Ezekiel. Miss na miss na raw niya ang kanyang anak dahil limang buwan na niyang hindi nakikita ang bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.