Mark negative sa paggamit ng shabu, positive sa Marijuana
DALA siguro ng kaba at stress kaya magkaiba na ang sinabi ng aktor na si Mark Anthony Fernandez sa mga nag-interview sa kanya matapos mahulihan ng isang kilong marijuana sa loob ng kanyang kotse noong Lunes ng gabi sa San Fernando, Pampanga.
Sa unang panayam kay Mark Anthony ng GMA News bandang ala-1 ng madaling araw ay hindi raw siya nahuli sa checkpoint.
“Hindi po ako na-checkpoint, bibili po ako (marijuana), tapos dumating po sila (pulis). Hindi pa po ako nakakabili, umalis po ako nu’ng tumakbo po ‘yung magbebenta sa akin,” kuwento ni Mark.
Ang report naman ng ABS-CBN News kahapon ay napansing walang plaka ang harapan ng sinasakyang Mustang ni Mark kaya sinita siya sa checkpoint.
Pero hindi huminto ang aktor at mas lalo pa raw nitong pinatakbo ng mabilis ang kotse na umabot na sa San Fernando, Pampanga ang habulan kaya napilitang barilin ng mga pulis ang kaliwang harapang gulong nito.
Ayon sa panayam kay Chief Insp. Francisco Guevara, Jr., “Nakakatakot din kasi ‘yung kotse niya, Mustang, malaki kaysa sa mga kotse namin.” At nang buksan na ang sasakyan ni Mark ay dito na nakita ang marijuana.
Kuwento pa ni Guevara, “Kapag pumasok ka nga ro’n sa kotse niya mahihilo ka, ‘yung amoy nga nu’ng marijuana.”
Nang makausap muli si Mark ng ABS-NBN news ay umamin na itong binili niya ang marijuana sa Angeles City sa halagang P15,000. Katwiran ng aktor, “Gamit ko po ‘yun pangontra sa cancer. Ang alam ko po, pagkaka-intindi ko po, ‘yun po ‘yung gawing legal ang marijuana kaya hindi po ako nag-atubili na bumili. Hindi naman po para ubusin sa isang araw.”
Habang tinitipa namin ang balitang ito kahapon ay nakapiit pa rin ang aktor sa Station 6 ng Angeles City, at ayon sa huling ulat, negative si Mark sa paggamit ng shabu pero nag-positive sa marijuana.
Matatandaang kusang sumailalim si Mark sa DOH Treatment Rehabilitaton Center sa Bicutan noong 2004 at pagkalipas ng ilang taon ay muli siyang bumalik sa showbiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.