Bakit bastos ang jeepney, bus drivers?
SA araw- araw na ginawa ng Maykapal, nakikita at nasisita natin ang walang disiplinang estilo ng pagmamaneho ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Hihinto sa gitna ng lansangan para magbaba at magsakay ng pasahero; bawat kanto ay pinaparadahan, at para bang sadyang gumagawa ng trapik sa tuwing sila ay pumapasada.
Hindi natin maintindihan ang ganitong ugali ng pagmamaneho gayong nakikita naman nating lahat, pati yung mga barumbadong driver ng jeep at bus, na perwisyo na sila sa lansangan.
So, pinuntahan ko yung ilegal na terminal ng bus at jeep sa Quezon Memorial Circle at nakipaghuntahan ako sa mga drayber doon. Medyo nagulat ako sa kuwento nila sa atin.
Pasahero, kita at boundary ang puno at dulo ng kanilang bastos na estilo ng pagmamaneho. Lagi silang naghahabol ng pasahero para maabot nila ang karampatang kita para sa boundary nila, gastos sa krudo at langis, at siyempre para may maiuwi sa kanilang pamilya.
Bawat pasahero ay mahalaga sa mga driver na ito dahil maliit lang naman ang kita nila at mas madaming pasahero, mas malaki at kanilang kikitain.
Humihinto sila sa gitna ng lansangan dahil “strategic” ito sa kanilang pasada. Kailangan nila harangan yung ibang mga jeep at bus sa likod nila para yung pasahero sa bandang harapan ay sa kanila pa rin sumakay.
“Minsan sinasadya naming magpa-trapik para mabilis namin mapuntahan yung pasahero sa susunod na kanto at hindi maagaw nung nasa likod namin,” sabi ni Oslec Ramos, isang jeepney driver sa rutang Fairview-EDSA Quezon Ave.
Ang mga bus naman ay ganun din. Balagbag sa daan dahil kailangan mapuno ang bus para maabot ang boundary at krudo.
Bunga ito ng boundary system na siyang pinagkukunan ng kita ng isang driver ng bus, jeep at taxi sa Pilipinas. Walang matinong suweldo ang mga driver ng public utility vehicles sa ating bansa, parang komisyon ang kita nila. Sagot pa ng driver ang krudo o gasolina at langis ng mga sasakyan nila.
Meron ng batas na nagsasabi na dapat ay suwelduhan na ang mga driver ng bus pero hindi ito nasusunod hanggang ngayon. Katwiran ng mga operators, mas gusto daw ng mga drivers nila na boundary system. Pero sabi ng mga kakilala kong bus driver, mas gusto nila ang suweldo sana dahil sigurado na may kita at hindi na kailangan maghabol pa rito.
Wala pang batas tungkol sa suweldo ng mga jeepney drivers.
Sa suma total, pagpapatupad pa rin ng batas ang solusyon sa problemang ito, dahil ang lansangan natin ngayon ay napupuno ng anarkiya sa pagkabigo ng halos lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko.
Ang Chevrolet ay nagsagawa ng kauna-unahang regional launch ng kanilang Trailblazer at Colorado sa Cebu. Madaming mga motoring journalist mula sa Thailand, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Laos, Brunei, Fiji at Vietnam ang dumating para lumahok sa test drive event na ito, kasama ang mga executives ng Chevrolet. Isa ito umanong senyales ng confidence ng General Motors sa lumalagong business environment and confidence sa Pilipinas ayon kay Mike Deveraux, Vice President ng General Motors International. Salamat sa tiwala GM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.