Mr. Personality nagtatago sa takot na ma-‘Tokhang’
PANSAMANTALANG nakikituloy ngayon sa mansion ng isa sa kanyang mga mayayamang kaibigan ang isang personality na ngayon ay nasasangkot sa illegal drugs.
Halos isang buwan na ring hindi umuuwi sa kanyang mamahaling condo unit sa Taguig City ang bida sa ating kwento dahil sa takot sa sunud-sunod na operasyon ng PNP kontra droga.
Sinabi ng ating Cricket na mga maids na lang ang tao sa unit ni Mr. Personality na halatang takot na takot.
Bagama’t ilang beses na niyang itinanggi na wala siyang alam sa ibinibintang sa kanyang mga isyu na may kaugnayan sa droga ay wala namang naniniwala sa kanya.
Alam kasi ng ilan sa loob ng showbiz ang tungkol sa kanyang sideline bilang tulak ng mga party at designer drugs.
Para mas matiyak na safe ang kanyang lugar, doon siya pansamantalang tumutuloy sa bahay ng kaibigan na malawak ang impluwensiya sa pamahalaan at negosyo.
Alam niya kasi na hindi siya basta magagalaw ng mga otoridad dahil sa lawak ng impluwensiya ng pamilya ng kanyang kaibigan.
Hindi naman niya napapabayaan ang ilan sa kanyang mga negosyo dahil pinupuntahan naman niya ang mga ito halos araw-araw para nga naman ipakita sa publiko na hindi siya nagtatago.
Pero paglatapos ng pagdalaw sa trabaho ay diretso na siya agad sa bahay na kanyang pansantalang tinutuluyan.
Mas lalong naging kabado ang ating bida makaraang sabihin ng PNP na may lima silang mga showbiz personalities na inilagay sa surveilance dahil sa iligal na droga.
Pakiramdam ng ating bida ay isa na siya sa mga sinusundan ng mga alagad ng batas.
Hindi natin siya masisisi na mag-alala dahil sa totoo lang ay matagal nang lumulutang ang mga balita tungkol sa kanyang bawal na sideline.
Ang sikat na personality na nagtatago ngayon sa bahay ng kanyang kaibigan sa isang mamahaling lugar sa Makati ay si Mr. T…..as in Tago.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.