GM Antonio kumubra ng ginto sa Malaysia Day Chess Festival
PINATUNAYAN ni Grandmaster Rogelio Antonio Jr. ang angking husay matapos iuwi ang gintong medalya habang nagkasya naman sa tanso si Jan Emmanuel Garcia sa ginanap na isang linggo na Malaysia Day Chess Festival sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagtipon si Antonio Jr. ng kabuuang 5.5 puntos sa loob ng anim na round upang isukbit ang ginto para sa Pilipinas. Ikalawa ang Vietnamese na si International Master Tuan Minh Le na may 5.0 puntos habang ikatlo naman si Garcia na tinalo sa tiebreak ang tatlong iba pa na may natipong 4.5 puntos para sa tansong medalya.
Tumapos naman sa ikaanim si IM Haridas Pascua na may 4.5 puntos din habang ikasiyam si IM Oliver Dimakiling na may nakuhang 4.0 puntos.
Matatandaang nagawang magwagi ni Antionio sa ginanap na Battle of Grandmasters subalit hindi nakasama sa katatapos lamang na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Nagawa rin ni Efren Bagamasbad na mag-uwi ng tansong medalya sa 7th IGB International Seniors Open Chess Championship 2016 na parte sa ginanap na Malaysia Chess Festival.
Nakapagtipon si Bagamasbad ng 6.5 puntos sa likod ng nagwagi na si GM Alexander Fominyh ng Russia na may 8.5 puntos at si GM Dmitry Kayumov ng Uzbekistan na may 7.5 puntos.
Tumapos naman ang tatlong Pilipinong woodpusher sa top 10 sa pinakatampok na torneo na 13th IGB Dato Arthur Tan International Open Chess Championship 2016.
Kinapos sa tiebreak si IM Oliver Dimakiling sa tansong medalya matapos mahulog sa ikaapat na puwesto sa walo kataong pagtatabla sa 6.5 puntos. Napunta ang tanso kay Srinath Narayanan ng
India.
Ikapito si IM Jan Emmanuel Garcia at ika-10 naman si Antonio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.