Adamson Falcons nasilat ang Ateneo Blue Eagles
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs La Salle
4 p.m. FEU vs UE
Team Standings: La Salle (3-0); NU (2-0); Adamson (2-1); Ateneo (2-2); UST (2-2); FEU (1-2); UE (0-2); UP (0-3)
ISINALPAK ni Dawn Hynric Ochea sa huling 1.9 segundo ang isang jumper upang itakas ang Adamson University Soaring Falcons sa maigting na 62-61 panalo kontra sa Ateneo de Manila University Blue Eagles sa tampok na laro sa eliminasyon ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinasok lamang sa huling 4.1 segundo ng laro, si Ochea ay nakawala sa depensa, tumanggap ng inbound at tumira ng jumper upang itulak ang Adamson sa ikalawa nitong panalo sa loob ng tatlong laro.
Dehado ang Falcons sa iskor, 46-56, pagtuntong sa ikaapat na yugto kung saan inihulog ni Robi Manalang ang 10 sunod na puntos tampok ang dalawang tres para makadikit sa Blue Eagles at ibigay dito ang ikalawang kabiguan sa apat na laro.
Huling hinawakan ng Blue Eagles ang abante sa split free-throw ni Chibueze Ikeh, 61-60, bago ang game-winner ni Ochea.
May pagkakataon naman si Thirdy Ravena na agawin ang panalo para sa Ateneo subalit hindi nito nagawang ipasok ang krusyal na alley-oop play.
Ang panalo ay una ng Falcons kontra Blue Eagles mula pa noong Season 74 ng liga.
Sa unang laro kahapon, ipinagpatuloy ng season host University of Santo Tomas Growling Tigers ang pagwawagi kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa pagtala ng 83-77 panalo.
Ang panalong ito ay ika-19 sunod ng UST kontra UP na siyang pinakamatagal na aktibong winning streak laban sa isang koponan sa UAAP.
Samantala, kapwa nakatuon sa pagkopo ng solong liderato ang mga walang bahid na De La Salle University Green Archers at National University Bulldogs sa pagtutuos ngayong hapon sa Araneta Coliseum.
Magsasalpukan sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon ang Green Archers, na itataya ang kanilang 3-0 panalo-talong karta, at ang Bulldogs, na may 2-0 kartada, bago sundan ng salpukan ng nagtatanggol na kampeong Far Eastern University Tamaraws at wala pang panalong University of the East Red Warriors.
Huling tinalo ng La Salle ang UST, 100-62, kung saan ginamit ni coach Aldin Ayo ang lahat ng kanyang mga bataan upang masubok at maihanda para sa inaasahan nitong magiging maigting na laban kontra Bulldogs.
Tinalo naman ng Bulldogs sa kanilang huling laban ang Blue Eagles, 70-60.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.