Jio Jalalon napiling NCAA Player of the Week
AGAD na napagtanto ng Arellano University ang pinakamalapit nitong target sa 92nd NCAA seniors basketball tournament at nagpapasalamat ang Chiefs na mayroon itong star guard na si Jiovani Jalalon.
Habang malapit at harapang nanonood ang kanyang pamilya sa kanyang laro, nagtala ang 5-foot-10 na si Jalalon ng tila katulad sa isang MVP na paglalaro nitong nakaraang linggo upang agad bitbitin ang Chiefs sa isang puwesto sa Final Four kahit may tatlong laro pa itong natitira sa double-round of elimination.
Sapat na ang ginawa ni Jalalon para tanghaling ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.
Pinatunayan din ni Jalalon na hindi lamang siya isang playmaker kundi ipinamalas ang responsibilidad bitbitin ang koponan sa pagtala ng 15 sa kanyang season-high 33 puntos sa ikaapat na yugto upang tulungan ang Arellano na patalsikin ang mapanganib na Lyceum of the Philippines University, 78-75, noong Biyernes.
Hindi pa nakuntento ay muling nagpakita ng magandang laro si Jalalon upang pamunuan ang Arellano sa 83-74 pagwawagi kontra defending champion Letran makalipas ang tatlong araw sa pagtala ng 22 puntos, 14 rebounds at may walong pasa.
Dahil sa tulong ni Jalalon ay nanatili sa liderato ang Chiefs na may matinding 12-3 panalo-talong rekord upang makasalo ang season hosts na San Beda Red Lions na agad makatuntong sa Final Four stage na agad nagibgay dito ng prestihiyo matapos na hindi makatuntong nakaraang taon.
“Sobrang saya ko lang kasi nakabalik na kami sa Final Four,” sabi ni Jalalon.
Nagbigay inspirasyon at motibasyon din kay Jalalon ang panonood ng kanyang pamilya sa pamumuno ng kanyang ama na si Vicente at ina na si Jocelyn na nagtungo mula sa Cagayan de Oro City upang mapanood siya maglaro ng malapitan sa unang pagkakataon ngayong taon.
“Ganadong-ganado ako kasi first time lang nila makapanood ng live this season. Gusto ko rin talaga magpakitang gilas para sa family ko,” sabi ni Jalalon, na may averaged 27.5 points, 10.0 rebounds, at 5.0 assists para sa nakalipas na dalawang laro ng Chiefs.
Sigurado na sa isang silya sa semis, nangako si Jalalon na hindi nito pababayaan ang Chiefs.
“Pagdating sa Final Four, marami pang gagawin ang mga players namin. Maski ako kailangan mas mag-i-step up pa,” sabi nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.