PBA: Busisiin ang sitwasyon | Bandera

PBA: Busisiin ang sitwasyon

- November 03, 2009 - 01:57 PM

EXHIBITION games na lamang ang mga laro ng Smart Gilas developmental team sa 2009 KFC-PBA Philippine Cup at burado na ang mga panalong naitala ng Burger King, Talk ‘N Text at Barangay Ginebra laban dito.
Ito ang naging desisyon ni PBA Commissioner Sonny Barrios matapos na hindi maglaro sina CJ Giles, Rabeh Al-Hussaini at Chris Tiu kontra sa Talk ‘N Text na “technically’ ay sister team ng Smart Gilas. Medyo nabahiran ng malisya ang pangyayaring iyon, e.
Pero hindi iyon ang pakay ng pitak na ito.
Dahil sa pangyayaring exhibition games na lang ang larong Smart Gilas, marami tuloy ang nagtatanong kung ano ang mangyayari sa kaso ni Wynne Arboleda na nasuspindi for the rest of the season dahil sa pambubugbog sa isang fan sa unang larong Smart Gilas kontra sa Burger King.
So, lumalabas na hindi na “official game” ng Burger King-Smart Gilas contest na iyon, hindi ba?
Dahil dito’y itinatanong ng ilang kaibigan natin kung isang taon pa rin ba ang suspension ni Arboleda o iiklian na lang ito. Kasi nga, sa panananaw ng karamihan, kahit pa official game iyon, napakabigat ng parusang ipinataw kay Arboleda gayong hindi naman siya ang unang PBA player na nambugbog ng fan.
Maraming ibang manlalaro ang nakagawa na nito in the past seasons. Para bang ginamit lang si Arboleda bilang sampol upang ipakita sa ibang player na dapat silang mag-isip bago manggulpi.
Okay lang naman ‘yung one-year suspension o kahit na lifetime ban para sa mga players na manggugulpi ng fans. Pero dapat ay nakalagay iyan sa rules ng PBA. Dapat klaro iyan.
Ang siste’y wala ngang specific na length of suspension para sa ganitong kaso.
At ngayon nga’y hindi pa official game ang mga larong Smart Gilas.
So, hindi na ito saklaw ng PBA.
Marahil ay may grounds na si Arboleda para magsagawa ng appeal.
At kahit nga sa nakaraang congressional hearing ay sinabi naman sa pamunuan ng PBA na kailangang gumawa ng paraan ng pro league upang maiwasan na ang ganitong pangyayari. Kasi nga’y hindi lang naman si Arboleda ang may kasalanan dito. Hindi naman niya basta-basta sasapakin ang isang fan kung hindi siya na-provoke nito. Ano siya, baliw?
Wala namang normal na tao na biglang manununtok ng ibang tao nang walang dahilan, e.
So, dapat ay busisiing mabuti ng PBA ang sitwasyon.
Hindi parusa o remedyo ang kailangan sa sitwasyong ito. Preventive measures ang kailangan dito.
Sabi nga ng barbero kong sabungero, “Bosing, may mga sabungan na istrikto sa pagmumura. Sabungan na iyon, a. Magulo talaga roon. Pero kapag talagang sobra ka kung magmura, may lalapit sa iyo at iimbitahin ka sa opisina. Ibabalik ang ipinambili mo ng tiket at palabasin ka. Nasa iyo na lang iyon kung gusto mong umangal at magmatigas.”
Hindi ba ito puwedeng gawin ng PBA?

Barry Pascua, Lucky Shot
BANDERA, 110309

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending