JRU Heavy Bombers nakaresbak laban sa St. Benilde Blazers
Mga Laro sa Martes
(The Arena, San Juan)
12 n.n. Lyceum vs Arellano
2 p.m. San Beda vs JRU
4 p.m. Perpetual vs Letran
BUMALIKWAS ang Jose Rizal University mula sa huling nalasap na kabiguan matapos nitong gantihan ang College of St. Benilde, 71-63, upang panatilling buhay ang tsansa sa Final Four sa ginaganap na ikalawang round ng 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Namuno si Cameroonian Abdel Poutouochi sa pagtala ng 14 puntos, pitong rebounds at dalawang blocks habang nagdagdag sina Paolo Pontejos at Teytey Teodoro ng 14 at 11 puntos upang tulungan ang Heavy Bombers na masungkit ang ikawalong panalo kontra sa anim na kabiguan.
Kakaiba ang ipinakita ng mga Heavy Bombers kumpara sa huli nitong laban matapos na magtala lamang ang troika ng 16 puntos sa 60-63 kabiguan kontra Emilio Aguinaldo College Generals noong Martes na inilagay nito sa protesta matapos ang tila naganap na foul kay Remy Morada sa aktong three-point shot ni Teodoro na hindi pinayagan ng opisyales.
Hanggang kahapon aypatuloy na pinagdidiskusyunan ang protesta ng NCAA Management Committee.
Ikinatuwa naman ni JRU coach Vergel Meneses ang panalo.
“We just want to win our last games and see what happens,” sabi ni Meneses.
Kinailangan naman ng Kalentong-based dribblers na magsagawa ng matinding ikatlong yugto upang baliktarin ang 38-33 abante sa unang hati bago hinawakan ang 62-46 abante sa pagtatapos ng yugto.
Simula rito ay hindi na nagpaiwan ang JRU kung saan tanging nakalapit ang St. Benilde sa walong puntos.
Bahagyang nagkainitan pa sa laro sina Gio Lasquety ng JRU at Edward Dixon ng St. Benilde matapos na magbigay ng matinding foul ang huli sa natitirang walong segundo. Kapwa pinatawan ng technical ang dalawang manlalaro.
Nalasap ng Blazers ang ika-14th nitong sunod na kabiguan.
Sa ikalawang laro ay binigo ng EAC ang Lyceum of the Philippines University, 73-66, upang manatili rin sa Final Four na may 5-9 karta. Nahulog naman ang Pirates sa 5-9 rekord.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.