ANO nga ba ang inaasahan natin sa mga tumatakbong senador?
Kapag nahalal, ano nga ba ang gagawin nila? Hindi yung pangako lang, kundi ano ba talaga ang gagawin nila.
In other words, kung sa nag-a-aplay ng trabaho, ano ba ang kanilang job description?
Ang tanong na ito ang isa sa mga katanungang sasagutin sa gagawing INQUIRER SENATE FORUM SERIES — na tatlong bahaging roundtable discussion na magsisimula bukas, ika-10 ng Abril sa UP Film Center sa Quezon City.
Karangalan kong makasama bilang co-moderator and host sa Unang Serye ng makabuluhan at makasaysayang Senate forum na ito si dating Economic and Development Planning Secretary Cielito Habito, na kolumnista naman ng Inquirer.
Nang itawag sa akin ang proyektong ito ng Inquirer, humbled and honored, yun ang naramdaman ko.To my Inquirer family, maraming salamat sa tiwala.
Balik tayo sa punto.
Thematic ang atake ng Senate forum ng Inquirer.
Tiyak na kapaki-pakinabang ang kamada ng bawat tema na sisimulan sa paksang IN SESSION: How does the Senate really work?
Paano nga ba naisasagawa ang trabaho sa Senado?
Ano nga ba ang tunay na trabahong inaasahan sa Senado?
Sa pamamagitan ng pagtugon sa mga tanong na ito, madaling pumasok ang accountability sa bahagi ng mga mahahalal at uupong senador.
May pagtutuusan kasi kung gumaganap ba siya sa trabahong inaplayan niya o hindi.
May sukatan kung competent ba talaga siya o feelingera at feelingero lang.
Makatotohanang tanong, check na check.
Pero ang katotohanan, sa linya pa lamang ng mga kumakandidatong senador, sama na natin ang mga incumbent, kung kwalipikasyon at pagtutuos sa kung ano ba talaga ang inaasahan sa kanila ay alam naman natin, mas marami ang hindi pasok sa banga, sabi nga.
Sa Forum 2 na gaganapin naman sa Baguio City, ang tema ng magiging talakayan ay WANTED NEW BLOOD:
What can new voices bring to the Senate?
At may mga kasunod na tanong ito gaya ng ano ba talaga ang ibig sabihin ng bagong dugo?
New blood dahil bata o nakakabata? pero ang totoo, galing din sa pamilyang tinubuan na ng sapot sa tanda sa pulitika at posisyon — oo kasama du’n ang mga nasa Senado.
Ang bago bang dugo, hanggang kailan ang pagiging bago?
Hanggang kampanya lamang ba?
Yung bagong tinig, hanggang saan ang lakas?
At kaninong tinig naman kaya ang kakatawanin ng bagong tinig na ito kung saka-sakali?
Sa Forum 3, mas tumbok ang puntos na ito. ALL IN THE FAMILY: What is the role of the family in Philippine politics?
O, di ba ang bigat ng tanong? Ano nga ba ang kaugnayan ng pamilya sa takbo ng pulitika sa Pilipinas?
Pero ang isa sa anak na tanong dito, ano nga ba ang akala ng iilang pamilya sa kanilang mga sarili at akala nila, sila na lang ang may karapatan sa pagpapalakad ng pulitika sa bansa?
Sa Cebu ito gagawin. Bagay na bagay ang venue, sa Cebu—all in the family talaga.
Bukas ito sa publiko at sa media coverage.
Batay sa huling message na natanggap ko, ang mga nag-confirm na dadalo ay sina Allan Peter Cayetano, Francis Escudero, Richard Gordon, Loren Legarda, Ernesto Maceda , Koko Pimentel.
Nakalagay din pangalang Magsaysay. Mitos o Jun? Jun o Mitos?
The anticipation is high; the excitement, electrifying.
Sa mga makikilahok, magkita-kita tayo bukas sa UP Film Center.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.