MUKHANG pinaplano na ngayon ng Duterte administration na huwag nang magpadala ng mga domestic helper o tinatawag na Household Service Workers (HSW) sa Kuwait.
Napakarami na naman kasi ng mga OFW lalo pa’t mga Pinay OFW ang stranded ngayon sa Kuwait.
Ayon sa report, mahigit 500 mga kababaihan ang nasa mga shelter ngayon doon matapos silang tumakas mula sa kanilang mga employer.
Matagal na ring problema ang samu’t-saring kalupitan at pang-aabuso na dinaranas ng ating mga OFW sa Kuwait.
Nang nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW may 19 na taon na ngayon ang nakararaan, matitinding mga kuwento ng kalupitan sa ating mga OFW ang sumalubong sa amin.
Naroong ginawang sex slave ang isang Pinay ng limang magkakapatid na employer niya at lahat pawang mga sundalo.
Hindi siya makatakas dahil ikinukulong siya ng mga iyon kapag umaalis sila ng bahay.
Kaya kapag umuuwi ang mga ito, pinagpapasa-pasahan umano siyang gahasain ng mga ito hanggang nakatiyempo siyang makatakas nang minsang nakalimutang ikandado ang kanilang gate.
Ngunit umuwi siyang buntis at hindi niya alam kung sino sa lima ang tatay.
May isa namang OFW ang palaging sinasaktan ng kanyang among babae. Gusto kasi ni Madame palaging sasabihin lang ng Pinay na “you’re very beautiful Madame” kapag naglalagay ito ng make-up at nag-aayos ng sarili.
Ngunit nagsawa rin ang ating OFW kakasabi ng ganoon dahil ang totoo ay “hindi naman talaga beautiful si Madame.” At kapag hindi niya sinasabi ang mga katagang iyon, tinutuktukan ni Madame ng takong ng sapatos ang mukha ng OFW. Kaya nang umuwi siya ng Pilipinas, butas-butas ang mukha niya.
Maging kami sa Bantay OCW ay takang-taka rin kung bakit ganoon na lamang pagmalupitan ang ating mga kababayan ng kanilang mga employer sa Kuwait.
Nang inalam natin ang mas malalim na ugat o dahilan ng kanilang kalupitan, iyon pala ay dahil sa ang tingin nila sa mga dayuhan ay pawang mga kaaway.
Matapos ang matinding pagkubkob at digmaan sa Kuwait noon, itinuring na nila na kaaway ang sinumang dayuhan na kanilang makakahalubilo.
Matindi ang ganitong pagturing dahil isipin man natin, ang ating mga OFW at ilan pang mga dayuhang kasambahay ay mismong kasa-kasama nila sa kanilang mga bahay.
At upang pakawalan nila ang galit at mga pakiramdam na may kasama silang kaaway: sinasaktan, pinagmamalupitan, inaabuso nila ang sinumang nasa loob ng kanilang tahanan.
Kaya tama lamang na “No to Kuwait” na nga tayo sa pagpapadala ng Pinay doon. Tama nang mahinto ang mga kalupitang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.