Bato itinangging may kinalaman ang mga pulis sa vigilante killings
ITINANGGI ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald “Bato” De la Rosa na may kinalaman ang mga pulis sa tumataas na bilang ng mga pagpatay na sangkot ang mga umano’y vigilante sa harap ng kampanya ng gobyerno kontra droga kung saan umabot na sa halos 2,000 ang napapatay na mga sangkot sa droga.
“Wala talaga kaming kinalaman dyan,” sabi ni De la Rosa matapos namang tanungin ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Binatikos naman ni Trillanes ang kabiguan ng PNP na mapanagot ang mga sinasabing vigilante.
“Since you have nothing to do with it, why is it happening? Why don’t you relieve your regional or district directors if they fail to stop these killings?” dagdag ni Trillanes.
Idinagdag ni De la Rosa na inatasan na niya ang mga police commander na pabilisin ang imbestigasyon kaugnay ng extrajudicial killing.
“‘Yung aking mga tao right now ay busy-ng busy sa war on drugs. ‘Yung aming kampanya, nasa amin momentum kaya ayaw kong sabihin sa kanila na re-relieve ko kayo dahil ‘yung deaths under investigation hindi niyo nabigyan ng tuldok o nahinto,” giit ni De la Rosa
Inaahahang ipriprisinta ni De la Rosa ang mga datos ng PNP kaugnay ng mga extrajudicial killing sa ikalawang araw ng pagdinig ng Senate committee of justice and human rights’ ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.