MAGKASUNOD na masaklap na kabiguan ang nalasap ng natitirang pag-asa ng Pilipinas na si taekwondo jin Kirstie Elaine Alora upang tapusin ang kampanya ng bansa sa Carioca Arena 3 ng Olympic Park sa pagsasara ng 2016 Rio Summer Olympic Games.
Hindi naitago ng natitirang tsansa ng Pilipinas para sa medalya na si Alora ang maluha matapos na mabigo sa unang laban nito kontra kay two-time Olympic medalist Maria Espinoza ng Mexico, 4-1, Sabado ng gabi na nasundan ng kabiguan kay Wiam Dislam ng Morocco, 7-5, Linggo ng umaga na tuluyang pumawi sa tsansa nitong makakuha ng tansong medalya.
Ang kabiguan kay Espinoza, na nagwagi ng ginto sa 2008 Beijing Olympics at tanso sa 2012 London Olympics, ay naghulog kay Alora sa repechage (losers round). Kailangan nitong manalo ng dalawang sunod para sa posibleng tanso subalit hindi man lamang siya nakalampas sa unang hamon.
Ang 5-foot-11 na si Dislam ay mas mataas ng tatlong pulgada kay Alora subalit nahirapan muna sa laban ang flag-bearer ng Moroccan delegation sa 2012 London Olympics. Naghabol ito kay Alora sa ikatlong round sa iskor na 4-5 tungo sa huling 20 segundo ng labanan.
Gayunman, hindi nabantayan ng 26-anyos na si Alora ang kanyang depensa upang magtabla ang laban at malasap ang dalawang mabilis na puntos kaya sa pagtunog ng huling buzzer ay tuluyang lumampas sa Pinay jin ang dapat sana na panalo at pag-asa sa medalya sa +67 kilogram class.
“Another sad moment because it was my second chance. But I was denied. I think I should continue fighting in this sport because if I won a medal here I might end up saying, ‘This is my last,’” sabi ni Alora.
“The Lord has plans for me to continue fighting. I’m happy with the results here but I was not fortunate enough. It’s God’s will. Maybe he wants me to win in the Asian Championships or the World Championships before I become an Olympic champion,” sabi pa ni Alora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.