ANO kaya ang motibo ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa kanyang pagbalimbing at pagtutol sa pagpapalibing kay yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani?
Hindi kasi maitatanggi ni Baguilat na isa siya sa mga kongresista na pumirma sa isang resolusyon na nagsusulong para mailibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Base sa rekord ng 15th Congress, isa si Baguilat sa mga co-author ng House Resolution number 1135 na ang may akda ay si yumaong dating Sorsogon Rep. Salvador Escudero na kung saan hinihimok ng resolusyon noon si dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na payagan na ang pagpapalibing kay Macoy sa Libingan.
Hindi dapat magmaang-maangan si Baguilat na dati niyang sinusuportahan ang pagpapalibing kay Marcos.
Kung ano ang rason kung bakit nag-iba ito ng posisyon ay kayo na ang mag-isip ng anong dahilan ni Baguilat, bagamat halata namang nagpapapansin lamang ito.
Matindi kasi ang ginagawa nitong pagpoproject sa sarili na kesyo siya raw ang totoong minority o opposition leader.
Katawa-tawa na nga siya minsan dahil sa kung ano-anong isyu ang pinapatulan nito para lang makasakay sa isyu.
Kung makaasta pa si Baguilat ay pinapalabas na totoong ayaw mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
May nalalaman pa siyang insulto raw sa mga bayani ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Hindi dapat magpadala ang publiko sa drama ni Baguilat. Isang malaking drawing si Baguilat na kunwari ay kontra siya rito dahil sa pagiging makabayan niya umano niya.
Nangangahulugan lamang ito na isang balimbing si Baguilat kung saan sumasakay lamang siya sa isyu.
Kaya nga kuwestyunable ang motibo nitong si Baguilat sa biglang pagkadoble-kara nito.
Anong nangyari? Nakikisawsaw at nakikitutol lang para masabi na siya ang tunay na oposisyon? O baka robot-robotan na nadidiktahan ng kaalyadong dilawan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.