KUNG merong isang bagay na labis na ikinatutuwa ngayon ng mga overseas Filipino workers, ito ay ang paglalagay ng pamahalaan ng one-stop-service center para sa kanila sa Philippine Overseas Employment Administration sa Mandaluyong City.
Sa POEA, 14 na ahensiya ng gobyerno na laging pinupuntahan ng mga OFWs ang inilagay rito para nga naman hindi na sila kailangan pang magpalipat-lipat para ayusin ang mga mahahalagang dokumento na kakailanganin nila sa pag-aabroad at doon makapagtrabaho.
Sa nasabing one-stop-shop, doon ay maaari na silang makakuha ng pasaporte, competency assessment, certificates of no marriage at iba pang mga dokumento na laging hinihingi sa pag-aaplay ng trabaho sa ibayong dagat.
Nasa isang bubong na lang ngayon ang kadalasang takbuhang mga ahensiya ng mga OFWs o nag-aaplay maging OFW gaya ng Department of Foreign Affairs, National Bureau of Investigation, Social Security System; Pag-IBIG fund, Commission on Higher Education, Overseas Workers’ Welfare Administration, PhilHealth, Professional Regulation Commission, Technical Education, Skills and Development Authority (TESDA), Maritime Industry Authority, at Bureau of Immigration.
Hindi rin dapat mag-alala ang mga nasa lalawigan, dahil ang regional office ng Department of Labor and Employment ay maglalagay rin ng sarili nilang one-stop-service center.
Mahigpit ang tinuran ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nakaraan niyang talumpati patungkol sa pagpapahalaga sa mga OFWs na siyang katuwang ng pamahalaan sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa dahil sa bilyon-bilyong pisong remittance na kanilang ipinadadala sa kanilang mga kaanak.
Kaya nga, tama namang bigyang importansiya ang mga OFWs na minsan ay binigyan natin ng titulo na mga bagong bayani ng bayan.
Malaking kaginhawahan ang one-stop-service center na ito para sa ating mga OFWs, na alam naman natin na karaniwan ay silang tinatawag nga ng pangalawang pangulo na nasa laylayan ng lipunan. Hindi lang ito malaking kabawasan sa gastos sa tuwing naglalakad sila ng mga rekititos sa pag-aaplay ng trabaho sa abroad; kundi isang malaking katipiran din ito sa oras at pagod.
Dahil hindi na nga kinakailangan pang magpalipat-lipat ng ahensiya ng gobyerno para makuha ang mahahalagang dokumento, hindi tatagal sa halos isang linggo ang pagproseso ng mga ito. Tantiya pa ng mga nangangasiwa sa POEA, at base na rin sa nais ni Ginoong Duterte, dapat ay maproseso at makumpleto ang lahat ng dokumento ng isang OFW o nais maging OFW sa loob ng 72 oras, o tatlong araw.
At dahil nga rito, bawas sa gastos sa pamasahe at pagkain din. Higit sa lahat bawas ito sa oras ng mga OFWS na nais makapiling nang matagal ang kanilang mga pamilya bago pa sila tuluyang makaalis ng bansa.
Isa talaga itong malaking kaginhawahan sa ating mga kababayan na nagpapagal sa ibang bansa para lamang mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kani-kanilang mga pamilya.
Kung bakit nga ba ngayon lamang ito naisipan ng mga tao sa gobyerno? Kung bakit ba sa tinagal-tagal na panahon na kunwari ay pinararangalan ng pamahalaan ang kadakilaan, kasipagan ng mga OFWs, ay hindi naman nila nagawang pagaanin man lang ang pagkuha ng mga ito ng mga kinakailangang papeles.
Hindi kailangan ng mga mabubulaklak na pagkilala para sa mga bagong bayani nating OFWs. Hindi nila kailangang ituring na mga VIP sa kanilang pagpila para sa mga dokumentong kakailanganin, sapat na sa kanila ang mabigyan ng tunay na pagpapahalaga, sa pamamagitan nang pagaasikaso sa kanila nang maayos; ang maunawaan ng pamahalaan ang tunay nilang katayuan. Sapat na ang mabawasan man lang ng konti ang araw at oras sa pagpila sa mga ahensiya ng gobyerno, ang gastusin sa paglalakad ng mga ito. Doon pa lang, isa na itong tunay na pagkilala sa kanilang ambag sa pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.