Frayna kumapit sa itaas ng world juniors chess
INILAGLAG ni Philippine No. 1 Woman International Master Janelle Mae Frayna sa liderato ang unranked ngunit surpresang nakisalo sa unahan na si K. Priyanka ng India upang lalo pang lumapit sa inaasam nitong WGM title matapos ang round 7 ng 2016 World Junior Chess Championships sa Bhubaneswar, India.
Pinalasap ng 19-anyos na graduating Psychology student sa Far Eastern University na si Frayna (Elo 2292) ng kabiguan sa loob ng 37 moves ng French Defense ang No. 41 seed na si Priyanka (Elo 2048) upang patuloy na hawakan ang liderato sa bitbit nitong 6.0 puntos kasama si WIM Dinara Dordzhieva ng Russia.
Itinala ni Frayna ang ikalima nitong panalo kasama ang dalawang draw upang palakasin ang tsansang masungkit ang kanyang ikatlo at huling norm para tanghaling pinakaunang babae sa bansa na nabigyan ng titulong WGM.
Tinalo naman ng No. 8 seed na si Dordzhieva (Elo 2304) ang No. 5 seed na si WIM Andrea Paula Rueda Rodriguez (Elo 2321) ng Colombia para magtala ng 6.0 puntos.
Nagawa rin magwagi ni 21st seed WFM Shania Mae Mendoza (Elo 2191) kontra 35th seed WFM Mariami Choladze ng Georgia upang makatipon ng kabuuang 3.5 puntos para makisalo sa ika-24th hanggang 32nd place.
Nakipaghatin sa puntos si International Master Paolo Bersamina (Elo 2402) sa kampanya nito sa boys division kay 8th seed at mas mataas ang rating na si IM Cristobal Villagra Henriquez (Elo 2520) ng Chile para makapagtipon ng 3½ puntos at makipag-agawan sa 19th to 40th place sa Swiss System format na may 13 round na torneo.
Muli naman nabigo ang 71st seed na si Paul Robert Evangelista Paul Robert (Elo 2020) kontra 52nd seed S. Yogit (Elo 2270) ng India upang manatili na may dalawang puntos lamang para sa 69th to 70th place.
Agad na mauuwi ng magwawagi sa U20 (open/boys) ang GM title habang ang mananalo sa U20 ay gagawaran din agad ng mailap na WGM title.
Ang pilak at tanso sa dalawang kategorya na open/boys U20 at girls U20 ay makakamit ang IM at WIM title.
Posible rin igawad ang GM at IM norm sa iba pang players base sa kanilang magiging paglalaro at torneo at kung matatalo ang kalaban na mas may mataas na titles/ratings base sa FIDE Handbook requirements.
Iuuwi rin ng magwawagi ang top prize na 3000 EUR at 2000 EUR sa Open at Girls division.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.