MAKAKASAGUPA kaagad ng Mighty Sports-Pilipinas, na siyang magrerepresenta sa bansa, ang host Taiwan sa 38th William Jones Cup na nakatakdang magsimula ngayong hapon sa Taipei, Taiwan.
Umalis nitong Sabado ng umaga ang koponan na pinamumunuan ng hanay ng lokal na manlalaro ng Pilipinas na sina Jeric Teng, TY Tang, Sunday Salvacion, Larry Rodriguez, Edrick Ferrer at Fil-Am Jason Brickman kasama ang pitong reinforcements na binubuo nina Korean Basketball League (KBL) veterans Dewarick Spencer at Troy Gillenwater.
“We are committed to play for Philippines-Mighty Sports and we will give our best shot each game. We know how passionate Filipino fans are when it comes to basketball so we’ll do our best not to disappointment them,” sabi ni Spencer.
Sasabak din sina Al Thornton at Vernon Macklin na parehong nagpasiklab sa kani-kanilang koponan sa PBA.
Matatandaang tumatak sa marami ang ginawang 69 puntos ni Thornton para sa NLEX Road Warriors habang ang dating NBA player na si Macklin ay naglaro para sa Barangay Ginebra Kings.
Kasama rin sa koponan sina Zach Graham ng Air21 Express, Hamadi N’Diaye ng Mahindra Enforcers at Michael Singletary ng Barako Bull.
“If we can find the chemistry early then we will have a good chance of winning the championship,” dagdag ni Gillenwater na may average na 26 puntos at siyam na rebounds para sa Changwon LG Sakers sa KBL.
Ang koponan ay gigiyahan ni dating Air21 Express head coach Bo Perasol.
Nais ng koponan na maibalik sa Pilipinas ang kampeonato na huling napagwagian noong 2012 edisyon nang sumabak ang Gilas Pilipinas.
Noong nakaraang taon, tumapos lamang sa ikalawa ang Pilipinas matapos yumuko sa Iran sa finals.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ang ikatlong may pinakamaraming kampeonato sa Jones Cup tangan ang apat na titulo.
Nangunguna ang Amerika na may 15 kasunod ang Iran na may lima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.