BAGO sumapit ang Todos Los Santos. Nakabuntot ang mga bata sa matatandang bihis-patay, may mga kapang itim. Bagaman walang Halloween at walang trick-or-treat, ang kinagisnan ay may maskara ang mga bata at ang iba’y nagpapahid ng dinikdik na pinong uling na binuhusan ng langis ng niyog (nabibili pa ang langis ng niyog noon sa tindahan), o kundi’y pulbos na uling na ibinabad sa sobrang mantika ng peanut butter (na takal-takal na binibili rin sa tindahan). Sisimulan sa may Ibaba sa kalye A. Bonifacio, sa Barangay Poblacion, maglalakad ang grupo simula alas-9 ng gabi (maagang matulog noon ang mga tao dahil ang hapunan ay nagsisimula alas-6 ng hapon). Bitbit ang gitara, mananapatan ang grupo. Sa saliw ng kinakaskas na mga tono at sa bagsak ng onyas, aawitin ang: “Kaluluwa po kaming tambing Sa purgatoryo nanggaling, Kung kami po ay lilimusan, Dali-daliin po lamang. Baka mapagsarhan kami Ng pintuan ng kalangitan.” Magbubukas ng ilaw ang natapatan at hahawiin ang bintana (tinutulak pakanan o pakaliwa ang mga bintana noon). Kung di kilala ng nananapatan ay sisipatin pa ang mga ito ng gasera; o kundi’y tuluyan nang iaabot pagkain o ang konting salapi (barya), ang pinakamalaki ang 50 sentimos, na papel pa. Habang umaawit ang matatanda, kinakaskas ang gitara’t umuuguy-ugoy sa banayad na indayog na tila bayle ng mga patay, ang makukulit na mga bata’y susuyod sa silong at kukunin ang tulog na manok o pato. Kapag nag-ingay ay hindi na ito dadalhin. May mga pagkakataon na di iimik ang manok dahil sa banayad na hagod ng bata na sanay nang humawak ng manok; kaya mas madaling madadala ang mga hayop. Minsan nama’y isinosoli ito pagsapit ng umaga. Anu-ano naman ang iniaabot na pagkain? Mainit-init pa’t mabangong biko, o kundi’y puto. Lahat ay masaya, hudyat ng paggalang sa mga yumao. Ganito kami noon.
Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA, 103009
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.