Liderato pipiliting solohin ng Phoenix Accelerators
Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
4 p.m. Racal vs Topstar ZC Mindanao
6 p.m. Tanduay vs Phoenix
Team Standings: Café France (5-1); Phoenix (5-1); Racal (5-2); Tanduay (5-2); AMA (1-4); Blustar (1-6); Mindanao (0-6)
PILIT na sosolohin ng Phoenix ang liderato sa pagsagupa nito sa Tanduay Rhum sa pagbabalik ng 2016 PBA D-League Foundation Cup Martes ng hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Asam din ng Phoenix na agad makabangon sa nalasap nitong unang pagkatalo sa torneo sa pagtatangka sa ikaanim nitong panalo kontra sa nagnanais naman makisalo sa unahan na Tanduay sa ganap na alas-6 ng gabi.
Aminado si coach Eric Gonzales na napagtanto ng Phoenix ang kanilang naging mga kahinaan sa lumipas na 10-araw na pahinga partikular sa nakakadismayang paglalaro sa kanilang 78-93 kabiguan kontra Racal.
“Minsan kasi para silang namimili ng kalaban. I don’t want to call it arrogance or complacency, pero pag ganun ang attitude nila, we’re in big trouble,” sabi ni Gonzales.
Kaya naman hindi hahayaan ni Gonzales na mangyari sa Accelerators ang katulad na laro kontra sa nag-iinit na Rhum Masters.
“Hindi joke na kalaban ‘yun. We have to play the game correctly, because if not, we’ll pay for it and we’ll lose the game. We need to give our best effort,” sabi pa ni Gonzales.
Pilit naman ipagpapatuloy ng Tanduay ang sunod-sunod nitong pagwawagi bagaman hangad ni coach Lawrence Chongson na mas matuto ang kanyang mga manlalaro kumpara sa kanilang pagwawagi.
“Siguro ‘yung character lang ng mga bata, medyo immature pa. We pointed it out and we know na wala pa kami sa level ng upper echelon ng teams dito sa D-League,” sabi ni Chongson. “Sana we play up to the level of Phoenix.”
Una munang maghaharap ang umaangat na Racal na may 5-2 panalo-talong kartada para sa ikalawang puwesto sa pagsagupa nito sa Topstar ZC Mindanao dakong alas-4 ng hapon.
Umaasa si coach Caloy Garcia na mauulit nito ang isinagawa ng Tile Masters na 102-83 panalo sa Aguilas noong Hunyo 14 sa paghahangad sa ikaanim na panalo sa loob ng walong laro.
Asam naman makapaghiganti ng Topstar ZC Mindanao na patuloy na hinahanap ang “breakthrough win” matapos na maging tanging koponan na hindi pa nakakalasap ng panalo sa komperensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.